|
||||||||
|
||
20180402 Melo Acuna
|
SA likod ng umuunlad na ekonomiya ng Pilipinas, nananatiling mahirap ang mga nasa kanayunan kaya't kumakapit sa patalim at nagtatrabaho bilang mga kasambahay sa Gitnang Silangan.
KAHIRAPAN ANG NAGBUBUNSOD SA MGA KABATAANG MAGING KASAMBAHAY. Ito ang sinabi ni Party List Congressman John Bertiz III (may mikropono) sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga. Kung mayroong mapapasukang trabaho sa kanayunan, tiyak magdadalawang-isip ang mga kababaihang umalis ng Pilipinas. Na sa larawan din si Atty. Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers. (Melo M. Acuna)
Ito ang lumabas na pananaw ng mga panauhin sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga. Ayon kay Party List Representative John Bertiz III, karamihan ng mga nakukumbinseng maging mga kasambahay sa Gitnang Silangan ay mga taga-Mindanao. Noong nagaganap ang kaguluhan sa Marawi City, may mga Arabong "recruiter" na nangangalap ng mga maglilingkod sa Gitnang Silangan.
Malaki umano ang ginagastos ng mga banyaga upang makakuha ng mga kasambahay mula sa mga bansang tulad ng Pilipinas. Umaabot umano sa US$ 8 libo kaya masigasig ang mga nakakasapakat ng mga "recruiter." Kahit umano mga barangay chairman ay nakakasama na sa paghahanap ng kasambahay sapagkat kumikita rin.
RECRUITMENT PROCESS KAILANGANG SURIIN. Naniniwala si OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na problema sa recruitment ang dahilan kaya't maraming mga kabataang mula sa MIndanao ang nakukumbinseng magtrabaho sa ibang bansa kahit mapanganib. (Melo M. Acuna)
Sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na problema ang recruitment process sapagkat may mga sagka na ipinatupad ang pamahalaan tulad ng sapat na kaalamang bumasa at sumulat ng mga magiging kasambahay.
KABATAAN ANG NAKASAKAY PATUNGONG GITNANG SILANGAN. Ipinaliwanag ni Fr. Restie Ogsimer ng CBCP - ECMIP na mga kadalagahan ang kanyang nakasakay patunong Gitnang Silangan. Karamihan sa kanila ay hirap bumasa at sumulat na paglabag na sa alituntunin ng bansa. (Melo M. Acuna)
Ipinaliwanag naman ni Fr. Restie Ogsimer, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na kamakailan lamang ay may mga nakasakay siya sa Etihad Airways patungong Gitnang Silangan at napuna niyang hirap bumasa at sumulat ang kanyang mga nakasabay.
Napakabata pa umano ng mga nakasakay niya. Inamin ni Congressman Bertiz na karamihan ng kanilang nailigtas mula sa Gitnang Silangan ay mga kababaihang wala pa sa edad na 18 taong gulang.
Nanawagan naman si Arman Hernando ng Migrante International na marapat lamang matuldukan ang pang-aabuso sa mga kasambahay sa Gitnang Silangan lalo pa't ang mamamayan doon ay may kakaibang turing sa mga kasambahay. Kailangang matuldukan na rin ang pagsamsam ng mga pasaporte ng mga manggagawang Filipino sapagkat pag-aari naman ito ng Pamahalaan ng Pilipinas at nang may tangan ng pasaporte.
Mayroon na ring mga nabubuoong mga manggagawa sa Qatar upang ipagsanggalang ang kanilang mga karapatan. Ito ang ibinalita ni Atty. Sonny Matula, pangulon ng Federation of Free Workers.
Ayon kay Congressman Bertiz, kahit tinaasan ng Pilipinas ang antas ng pangangalap ng mga manggagawa sa loob ng tahanan, malaki ang pangangailangan sa mga kasambahay kaya't pumayag ang mga employer sa kahilingan ng Pilipinas na gawing US$ 400 ang buwanang sahod.
May halos tatlong taon nang hindi nagpapadala ang Indonesia ng mga kasambahay sa ibang bansa.
Sa tanong kung magkakaroon ng matinding dagok sa ekonomiya kung tuluyang ipatupad ang ban sa pagpapalabas ng mga manggagawa tulad ng mga patungo sa Kuwait, sinabi ni Administrator Cacdac na magkakaroon ng panandaliang epekto ang pagbabawal subalit makabubuti ito sa pagkilala at pagpapahalaga sa dignidad ng mga Filipina.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |