|
||||||||
|
||
Bantayog ng Filipina comfort woman kailangang igalang
NANAWAGAN si Gng. Teresita Ang See, pangulo ng Kaisa Para sa Kaunlaran sa pamahalaang igalang ang Kasaysayan at ang dignidad ng mga Filipino. Ayon sa civic leader, magiging katawa-tawa ang Pilipinas sa daigdig at magiging kahiya-hiya sa balana kung aalisin ang bantayog sa gunita ng Filipina comfort women. Hindi kailangang matakot ang pamahalaan sa pagbabago sa pakikipagkaibigan, paghihigpit sa larangan ng ekonomiya at pag-aalis ng mga ambassador o pagpapawalang-saysay sa sister-city agreements na ginawa sa Korea, San Francisco at Sydney.
Hindi umano hiniling ng Pilipinas na alisin ang mga bantayog sa karangan ng mga kawal na Hapones sa Pilipinas tulad ng kamikaze shrine sa Mabalacat, Pampanga, memorial shrines sa Corregidor, sa Lumban, Laguna at maging sa Muntinlupa at ibang bahagi ng bansa.
MAHIWAGANG BACKHOE SA TABI NG BANTAYOG. Ikinabahala ng mga Filipino at Tsinoy na nagtayo ng Bantayog sa gunita ng Comfort Women sa Roxas Blvd. Nanawagan sina Gng. Teresita Ang-See sa pamahalaan na huwag talikdan ang Kasaysayan sa pag-aalis ng bantayog. Ani Gng. Ang-See, ang bantayog ay upang manawagang huwag nang maulit ang kalupitang nakamtan noong Ikawalang Digmaang Pandaigdig. (Melo M. Acuna)
Kailangan umanong ipakita ng Pilipinas na mayroon itong pagpapahalaga sa kasaysayan at 'di kailanman tatalikod sa paghihirap na dinanas ng mga naging biktima ng kalupitan ng digmaan. Nananatili pa rin ang mainit na kalakalan ng Tsina at Korea sa Japan kahit pa naging mapait ang nakaraan sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Hindi rin nararapat talikdan ang mga karumadumal na krimeng naganap noong Dekada Kuwarenta. Hindi kailanman nilayon ng bantayog ng Filipina Comfort Woman sa Roxas Blvd. na hiyain ang Pamahalaang Hapones at ang mga mamamayan nito. Bagkos, layunin nitong ipagunitang hindi kailanman nararapat maganap na muli ang karahasan sa mga kababaihan.
Inalam ni Gng. Ang See sa tanggapan ng punong-lunsod ng Maynila at National Historical Commission of the Philippines kung batid nila ang hiwaga sa pagkakaroon ng backhoe sa tabi ng bantayog. Wala umanong nalalaman ang dalawang tanggapan sa pangyayari.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |