|
||||||||
|
||
20180501melo.m4a
|
Executive Order hinggil sa seguridad ng manggagawa, nilagdaan ni Pangulong Duterte
NALAGDAAN na ang executive order na nagbabawal ng illegal contracting, subcontracting at pagpapalakas ng karapatan ng mga manggagawa sa kanilang security of tenure kasabay ng pagdiriwang ng ika-116 na taong Labor Day.
Ayon sa pangulo, iyon lamang ang tanging legal na magagawa niya. Sa kanyang talumpati, sinabi ng pangulo na sa bawat pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, tuloy pa rin ang pananawagan na magkaroon ng mas magandang buhay ang mga manggagawa. Hindi umano titigil ang pamahalaan sa paglalaan ng buo at marangal at makahulugang paggawa.
Narapat lamang magkaroon ng maayos at maasahang trabaho.
Samantala, sinabi ng Employers Confederation of the Philippines sa ilalim ni Pangulong Donald Dee na susunod sila sa batas.
Sinabi naman ni Julius Cainglet ng Federation of Free Workers na pinagtaksilan sila sa pangakong wawakasan ang contractualization sa tatlong pag-uusap na naganap sa Malacanang sa nakalipas na dalawang taon. Nalungkot sila sa pagtatapos sa pamamagitan ng Department Order 174 na walang namang nagawa upang malutas ang suliranin ng mga manggagwa at higit na naging lehitimo ang pagkuha ng mga ahensya sa mga manggagawa. Nauwi rin sa wala ang isang pang department order.
Ani G. Cainglet, ang katotohanan ay kahit walang ipinangako si Pangulong Duterte, ang mga nakalipas at kasalukuyang pangulo, ay mananatili ang kanilang pagkakautang sa manggagawang Filipino at sa kanilang mga pamilya na wakasan ang makabagong pang-aalipin sa pamamagitan ng contractualization.
Ayon kay Anakpawis Congressman Ariel Casilao, walang bago sa Executive Order na nilagdaan ni Pangulong Duterte at inulit lamang ang kasalukuyang mga batas sa paggawa. Kahit pa umano ipinagbabawal ang Labor Only Contracting (LOC), patuloy pa ring nilalabag ng mga may kumpanya at bahay kalakal ang batas.
Ang hinihingi ng mga manggagawa ay ang pagbabawal sa contractualization sa pamamagitan ng direct hiring. Nararapat lamang na limitado ang contractualization sa seasonal at project-based work na magbabawal sa pagkuha sa iisang manggagawa na may iisang employer. Sana ay naisama sa Executive Order ang probisyon sa pagwawakas ng contractualization sa pamamagitan ng direct hiring sa mga manggagawa.
Idinagdag pa ni G. Casilao na mapanlinlang ang nilagdaang executive order ni Pangulong Duterte.
Sa panig ni Alan Tanjusay ng Trade Union Congress of the Philippines, kailangang susugan ang kasalukuyang Labor Code.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |