|
||||||||
|
||
20180618melo.m4a
|
Pakikipagkaibigan sa Tsina, mahalaga para sa Pilipinas
SINABI ni Pangulong Rodrigo Duterte na mahalaga at kapakipakinabang ang pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa Tsina. Sa kanyang talumpati sa ika-120 aniberasyo ng pagkakatatag ng Department of Foreign Affairs, sinabi ni G. Duterte na nakausap na niya si Pangulong Xi Jinping sa kanyang kauna-unahang pagdalaw sa Tsina noong Oktubre ng 2016.
Binanggit ni G. Duterte na binanggit niya ang kahalagahan ng pagwawagi ng Pilipinas sa international arbitral tribunal subalit hindi niya ito igigiit sapagkat mayroong mas mahahalagang isyu na dapat bigyang-pansin.
Pinag-usapan nila ang mga isyu sa kapayapaan, seguridad at ang tulong ng Tsina para sa Armed Forces of the Philippines sa pagbibigay ng mga sandata.
Nakita na umano niya na magpaparamdam ang mga terorista sa Mindanao sapagkat nalalagas na ang mga ISIS sa gitnang silangan sa walang humpay na pakikidigma ng iba't ibang bansa.
Sumiklab ang kaguluhan noong siya ay dumadalaw sa Russia kaya't kinailangan niyang ideklara ang batas militar sa Mindanao.
Sa kabilang dako, sinabi rin niya na mahalagang pag-usapan ang South China Sea bago siya bumaba sa kanyang tungkulin sa 2022. Hindi rin umano siya handang isakripisyo ang buhay ng mga pulis at kawal sa pagharap sa Tsina. Hindi umano siya papasok sa digmaan na hindi siya magwawagi.
Sa kabilang dako, sinabi rin ni Pangulong Duterte na umaasta ang Estados Unidos bilang pulis pangdaigdig kaya't natatalo sa iba't ibang larangan ng digmaan tulad ng naganap sa Vietnam at sa Cambodia. Natatalo umano ang America sapagkat hindi sila nagpapahalaga sa kultura at paniniwala ng mga mamamayan.
Bagaman, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya anti-American.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |