|
||||||||
|
||
Malayo ang depensa ng Malacañang
SINABI ni Senador Antonio Trillanes IV na nagtatangka ang Malacanang na ilayo sa isyu ang publiko. Ito ang kanyang reaksyon sa pahayag ng Palasyo na may kalayaan si Pangulong Duterte na magpahayag ng kanyang paniniwala at pananampalataya.
Sa isang pahayag, sinabi ni G. Trillanes na ang isyu ay ang tuwirang paglapastangan at panglalait ni G. Duterte sa pananampalataya ng mga Kristinayong Filipino.
Kahit saan umanong antas ay mali ang ginawa ng pangulo ng bansa at hindi maipagtatanggol. Hindi umano makapapayag ang madla na maglubid na naman ng buhangin ang pamahalaan upang makalusot sa masamang pangyayari.
Kailangan na ring talikdan ang balak na pakikipag-usap sa Catholic Bishops Conference of the Philippines sapagkat hindi maiibsan ang paglabag na ginawa ng pangulo. Tanging ang pangulo ang may kagagawan nito kaya't marapat lamang na humingi siya ng tawad sa madla na kanyang nilabag.
Samantala, sinabi ni Albay Congressman Edcel Lagman na nilabag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang "Oath of Office" ng tawagin niyang estupido ang Diyos.
Nagtatapos ang panunumpa ni Pangulong Duterte sa katagang "So help me God." Nakita rin ito ng madla sapagkat inilagay pa niya ang kanyang kaliwang kamay sa Bibliya. Matapos manawagan sa Diyos na kasihan nawa siya ay kanyang inalipusta ang kanyang hiningan ng tulong.
Hindi umano nakagugulat ang kawalan ng katapatan sa pagtitiwala ng madla ng nahalal na pangulo ng bansa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |