|
||||||||
|
||
20180711melo.m4a
|
Mga katutubo, nangangambang 'di sila makikilala sa Bangsamoro Basic Law
MGA KATUTUBO NANGANGAMBA SA BANGSAMORO BASIC LAW. Sinabi ni Leticio Datuwata, deputy tribal chief ng mga Lambiangan sa South Upi, Maguindanao at Gng. Leonoro Mokudef na tubbing Maguindanao na baka mawalan na sila ng karapatan sa kanilang mga lupaing minana pa sa kanilang mga ninuno. Mayroong Indigenous People's Rights Act na nagbibigay sa kanila ng karapatan sa kanilang lupine subalit 'di kinikilala ng Autonomous Region in Muslim Mindanao. (Melo M. Acuna)
NAGPAHAYAG ng pagkabalisa ang mga katutubong mula sa mga barangay na masasaklaw ng Bangsamoro "homeland" na itatadhana sa Bangsamoro Basic Law na pinag-uusapan ng mga Senador at Kongresista sa bicameral conference committee.
Sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido, sinabi ni Leticio Datuwata, Deputy Tribal chief ng mga Lambiangan sa South Upi, Maguindanao na nangangamba silang mawalan ng karapatan sa kanilang mga lupaing minana sa kanilang mga ninuno sapagkat mga armadong Muslim ang pumapasok sa kanilang nasasakupan.
Sa panig ni Datu Julieto Gandor ng mga Menuvu sa Carmen, North Cotabato, wala naman silang magawa sapagkat hindi sila pinansin ng Office of the Presidential Adviser of the Peace Process noon pa mang panahon ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sapagkat hindi naman umano saklaw ng tanggapan ang pamamagitan sa mga isyung walang kinalaman sa mga sagupaan.
Ipinaliwanag naman ni G. Jason Ulobalang, ang pinuno ng mga Teduray Lambiangan Youth and Student Association na marapat lamang kilalanin ng mga Bangsamoro ang kanilang karapatan sa mga lupaing kanilang nasasakupan. Para umano sa kanilang mga katutubo, buhay ang nakataya sapagkat pinahahlagahan nila ang kanilang Kasaysayan at kultura.
Nakiusap naman si Gng. Leonor Mokudef ng Timuay Justice Governance sa Maguindanao na sa oras na magkaroon ng mga 'di pagkakaunawaan sa pagitan ng mga katutubo at mga Bangsamoro, tiyak na mapapahamak sila at higit na mahihirapan sapagkat ngayon pa lamang ay tanging mumunting serbisyo ng pamahalaan ang kanilang natatanggap.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Michael Henry Yusingco ng Ateneo School of Government na sa bicameral conference committee, tanging anim na usapin na lamang ang pinagtatalunan ng mga Senador at Kongresista. Nangangahulugan na kinikilala na ng batas ang karapatan ng mga katutubo sa mga lupaing minana sa kanilang mga ninuno.
Samantala, nakatakdang makipagpulong ang mga senador at kongresista kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacanang upang lutasin ang mga 'di pagkakaunawaan sa dalawang sipi ng mga panukalang batas sa panukalang Bangsamoro Basic Law. Nabatid na hindi natutuwa ang mga stakeholder sa malabnaw na mga probisyong napagkasunduan.
Wala pang liwanag kung anong kahihinatnan ng magkabilang-panig samantalang sinusulat pa ang balitang ito.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |