|
||||||||
|
||
Problema sa trapiko sa Metro Manila, malulutas din
NANINIWALA si Colonel Edison Nebrija, pinuno ng Task Force Special Operations ng Metro Manila Development Authority na malulutas pa ang problema sa traffic sa Metro Manila kung mawawala ang mga humahadlang sa daloy ng mga sasakyan.
Sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat," sinabi ni G. Nebrija na ang Metro Manila ay may lawak na 646 na kilometro kuwadrado at mangangailangan ng may 8,200 kilometro ng mga lansangan subalit tanging 5,200 kilometro lamang ang nakalaan sa mga sasakyan. Ang malungkot nito ay mayroong 31% sa 5,200 kilometro ang saklaw ng mga subdivision na hindi madadaanan ng mga sasakyang pangpubliko at pribado. Kasama pa rito ang mga lansangan sa loob ng Campo Aguinaldo na kinalalagyan ng Armed Forces of the Philippines General Headquarters, Campo Crame na kinalalagyan naman ng Philippine National Police at maging Fort Bonifacio na siyang kinalalagyan ng Philippine Army.
Karaniwan nilang ginagawa ang road-clearing operations at inaalis ang mga "sidewalk vendor" at mga illegal na nakahimpil na mga sasakyan. Ang isang problemang hinaharap ng mga tauhan ng Metro Manila Development Authority ay ang mga barangay chairman na may proteksyon sa mga sidewalk vendor at mga nakahimpil na sasakyan.
Malulutas ang problema kung magkakaroon ng ibayong pagtutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan kabilang na ang mga barangay, dagdag pa ni G. Nebrija.
KINAGAWIAN SA SINGAPORE, POSIBLENG MAGANAP SA PILIPINAS. Sinabi ni Dr. Primitivo Cal,(kaliwa) isang dalubhasa sa transportaron na maiibsan ang traffic kung magkakaroon ng "toll roads" pagsapit ng "rush hour." Ang problema mga lamang ay kailangan ng alternatibong daraanan. Na sa gawing kanan si Col. Edison Nebrija ng Metro Manila Development Authority. (Melo M. Acuna)
Binanggit naman ni Dr. Primitivo Cal ng University of the Philippines, kasabay ng pagluluwag sa mga lansangan, kailangan ding pag-aralan ang pag-aayos ng "mass transport" upang hindi na magdala ng mga kotse at iba pang sasakyan ang mga nagtutungo sa mga tanggapan o paaralan. Iminungkahi din niya ang ginagawang programa sa Singapore na mayroong "toll road" para sa mga pribadong sasakyan pagsapit ng "rush hours." Ang problema nga lamang, ani Dr. Cal ay walang alternate routes na madadaanan ang mga hindi magbabayad ng "toll fees."
Sinabi naman ni Atty. Mariano Santiago, dating pinuno ng Land Transportation Office na nasimulan na ang pagkakaroon ng maayos na ruta ng mga bus sa pamamagitan ng "Love Bus" noong dekada sitenta subalit hindi na ito nasundan kaya't naglabu-labo na ang mga bus sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila.
Nagpaliwanag naman si dating LTFRB Chairman at LTO chief Engr. Alberto Suansing, na kung ilan ang kulay ng mga bus ang siyang bilang ng mga operator kaya't hindi maayos ang kalakaran sa Metro Manila.
Sa kabilang dako, hindi komo na sa "Build, Build, Build" ang mga proyekto ay mangangahulugan na ito na magbabayad ng "toll" ang mga may sasakyan. Niliwanag niyang ang tanging toll fees na babayaran ay sa mga Skyway na ginagawa ang mga pribadong concessionaire.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |