|
||||||||
|
||
20180723 Melo Acuna
|
SINABI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magpapatuloy pa ang kanyang kampanya laban sa illegal na droga. Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address na nabalam ng higit sa isang oras, sinabi ni Pangulong Duterte na kung may nag-aakalang tapos na ang kanyang kampanya, malaking pagkakamali ito at kung sa pananaw ng ilan ay madugo ang kampanyang ito ay walang magbabago tulad noong kanyang unang araw ng panunungkulan.
Kahit pa umano pinupuna ng mga human rights advocate ang kanyang ginagawa ay itutuloy pa niya sapagkat kung nakatuon ang pansin ng kanyang mga kritiko ay sa karapatan, nakatuon ang kanyang atensyon sa buhay. Nanindigan ang pangulong maraming mga pamilyang winasak ang shabu, cocaine at iba pang droga.
Sa kanyang talumpati, binanggit din ang pagtutulungan ng Pamahalaang Tsino at Pilipinas sa pagsugpo sa illegal drugs. Ani Pangulong Duterte, nagkakaroon ng ugnayan ang Tsina at Pilipinas kaya't nadidiskubre ang mga laboratory ng shabu at nadarakip na rin ang mga banyagang nagpapatakbo nito. Naging mabisa ang pagpapalitan ng intelligence reports, dagdag pa ng pangulo.
Binalaan din ni Pangulong Duterte ang mga alagad ng pamahalaan na nagpapabaya sa kanilang mga gawain. Anang pangulo, batid na niya ang mga tanggapang karaniwang inirereklamo ng mga mamamayan.
Binanggit din ni Pangulong Duterte na unti-unting nagkakatotoo ang kaunlaran sa Mindanao sapagkat malaking bahagi ng budget ang nakalaan para sa mga proyekto sa isa sa pinakamalaking pulo sa bansa. Binanggit din niya ang kahalagahan ng Bangsamoro Basic Law na inaasahan niyang magdudulot ng maayos na kalakaran sa Mindanao, particular sa mga pook ng mga Bangsamoro na karamiha'y kasapi ng Moro Islamic Liberation Front.
Dalawa lamang umano ang pagpipiliian, ang daan tungo sa kaunlaran at kapayapaan at ang isa ay sa digmaan at kaguluhan. Hindi na rin umano papayagang makapasok ang mga extremist na umalyado sa mga Maute na sumalakay sa Marawi City noong nakalipas na ika-23 ng Mayo noong nakalipas na taon.
Nakita na umano ng bansa ang pinsala at hirap na dinanas ng Marawi City at ng mga Muslim at Kristiyanong naninirahan sa lungsod. Pinasalamatan din niya ang Indonesia at Malaysia sa kanilang pakikiisa sa pagpapatrolya sa karagatan sa pagitan ng tatlong bansa. Nabawasan na rin ang mga insidente ng pamimirata sa karagatan.
Binanggit din ng pangulo na mananatiling naninindigan ang Pilipinas hinggil sa nasasakupan nito at mayroong mga sapat na mekanismo upang pag-usapan ang mga isyu sa multi-lateral at bilateral level.
Samantala, binigyang pansin ng pangulo ang kalagayan ng mga manggagawa sa ibang bansa at mananatiling prayoridad ng pamahalaan ang kanilang kapakanan at nanawagan sa mga bansang pinaglilingkuran ng mga Filipino na pahalagahan din ang kanilang paglilingkod.
Umabot na umano sa 300,000 mga manggagawa ang naging regular mula ng lagdaan niya ang Executive Order No. 51 noong Mayo uno. Kaya nga lamang ay ipinauubaya na niya sa Kongreso ang pagpapasa ng mga kaukulang batas hinggil sa paggawa. Nanawagan din siya sa Kongreso na bigyang halaga ang Coconut Farmers Trust Fund. Kailangan ding makatugon sa pangangailangan ng madla ang ikatlong gateway sa larangan ng telecommunications.
Anang pangulo, kailangang kumilos ang mga pamahalaang local upang huwag nang maulit ang naganap sa Boracay na naglalarawan lamang ng kapabayaan ng pamahalaang local at pamahalaang pambansa.
Marapat na ring ipasa ang panukalang batas na bubuo sa Department of Disaster Management upang madaluhan ang mga nangangailangan.
Binalaan din ng pangulo ang industriya ng pagmimina na pangalagaan ang kapaligiran.
Magpapatuloy pa ang TRAIN Law at ang ikalawang pakete ng mga buwis na sisingilin ay ipatutupad ayon sa itinatadhana ng batas.
Pinasalamatan din niya sina dating Chief Justice Reynato Puno at Senate President Aquilino Q. Pimentel Jr. sa pagbuo ng mga panukalang probisyon sa Saligang Batas.
Samantalang nagtatalumpati ang pangulo, natipon ang kanyang mga tagahanga sa may Sandiganbayan samantalang magkakasama rin ang mga tumutuligsa sa pagkukulang ng pamahalaang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan. Pinuna rin nila ang mga pagmamalabis tulad ng extra judicial killings na kaakibat ng kampanya laban sa droga.
Dumalo sa ikatlong SONA sina Vice President Leni Robredo, Senate President Tito Sotto, Speaker Pantaleon Alvarez na nakatakdang palitan ni Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.
Dumalo rin sina Arsobispo Gabriele Giordano Caccia, ang dekano ng Diplomatic Corps at iba pang mga ambassador tulad nina US Ambassador Sung Kim at Chinese Ambassador Zhao Jianhua.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |