|
||||||||
|
||
20180821melo.m4a
|
Posibleng joint venture ng Tsina at Pilipinas, pinag-aaralang mabuti
SECRETARY ALFONSO G. CUSI. Pinag-aaralan ang mga paraan pang matuloy ang joint exploration ng yamang nasa ilclim ng Karapatan. (Larawan ni Melo Acuna)
SINABI ni Energy Secretary Alfonso G. Cusi na maraming paraang pinag-aaralan ang pamahalaan ng Pilipinas upang pakinabangan ng bansa ang anumang yamang likas na nasa karagatan, particular sa South China Sea.
Sa isang eksklusibong panayam kay Energy Secretary Cusi, sinabi ng kalihim na naghahanap ng paraan ang Department of Foreign Affairs sa ilalim ni Secretary Alan Peter S. Cayetano upang maisulong ang mga balak upang pakinabangan ang likas na yamang nasa ilalim ng karagatan at maging isang matagumpay na kalakal.
Sa tanong kung maipatutupad pa ang 60-40 arrangement para sa joint exploration, sinabi ni G. Cusi na ginamit ang kasunduang ito sa SC38 Consortium na binubuo ng Shell, Chevron at Philippine National Oil Company-Exploration Corporation sa Malampaya project.
Ipinaliwanag niyang mahalagang mabatid ang nilalaman ng framework upang matiyak na walang anumang problemang maidudulot ang pakikipagkasundo sa Tsina sa larangan ng exploration activities.
Itinanong ko rin kung anu-ano ang mga pook na posibleng gawan ng joint exploration, sinabi ni G. Cusi na mayroong limang service contracts na nilagdaan ang pamahalaan sa Philex, sa PXP, Forum at PNOC-EC.
Samantala, sinabi rin ni G. Cusi na kumikilos sila upang matugunan ang pangangalangan ng bansa sa kuryente. Inanyayahan niya ang mga Tsinong mangangalakal na maglagak ng kapital sa electric power plants sa Pilipinas. Marami umanong kumpanyang Tsino ang interesado sa pagtatayo ng bahay-kalakal sa Pilipinas. Marami umanong interesadong magnegosyo sa Pilipinas mula ng unang pagdalaw ni Pangulong Duterte noong nakalikas pa Oktubre ng 2016 sa Tsina.
Binanggit din ni Secretary Cusi na mangangailangan ang bansa mula 2016 hanggang 2022 ng dagdag na 10,000 megawatts at mula 2016 hanggang 2040 ay mangangailangan ang Pilipinas ng 43,000 megawatts.
Ipinaliwanag niyang kailangang matugunan ang pangangailangan ayon sa itinakdang panahon sapagkat mangangailangan ng kuryente ang mga tren, subway at mga paliparang itatayo sa ilalim ng Build, Build, Build program ng pamahalaan ni Pangulong Duterte.
Mababawasan din ang halaga ng kuryente sa iba't ibang bahagi ng bansa tulad ng mga malalaking pulo sapagkat gagamitan ito ng makabagong teknolohiya. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang paggamit ng krudo at langis kaya't mababawasan na ang halaga ng kuryenteng kailangan sa kanayunan ng mga lalawigang pulo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |