|
||||||||
|
||
Pagbabago sa klima kailangang tugunan
LABOR UNDERSECRETARY JOEL MAGLUNSOD. Ipinarating niya ang mensahe ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III sa pangrehiyong pulong ng mga lider manggagawa. (Melo Acuna)
NARARAPAT tumugon ang pamahalaan at bansa sa mga pagbabago sa klima. Ito ang mensahe ni Labor Secretary Silvestro H. Bello III sa pang-rehiyong pagpupulong ng mga lider-manggagawa mula sa 14 na bansa sa Asia-Pacific Region.
Sa mensaheng binasa ni Labor Undersecretary Joel Maglunsod, sinabi niyang mapalad ang Pilipinas na mayroong mayamang uri ng mga manggagawa at likas na yaman subalit patuloy na nararanasan ng bansa at mga mamamayan nito ang hagupit ng pagbabago sa klima.
Ayon sa kalihim, dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas na bumuhos ang napakalakas na ulan na nagdulot ng baha sa Metro Manila at mga kalapit-pook. Naranasan din ng bansa ang hagupit ng napakalakas na bagyong "Haiyan" noong 2013 na ikinasawi ng libu-libong mamamayan, pagkakalugi ng mga bahay-kalakal at pagkasira ng mga tahanan ng milyong mga mamamayan at pagkawal ng hanapbuhay ng milyong mga manggagawa.
Mula noon ay nakabangon na ang Pilipinas, dagdag pa ni Secretary Bello sa kanyang mensahe.
Kailangang paghandaan ang pagbabago sa klima upang maiwasan ang matinding pinsala nito sa mga komunidad. Pinahahalagahan ng pamahalaan ang climate change sapagkat napapaloob ito sa Philippine Development Plan 2016-2022 na humihiling na magkaroon ng makataong hanapbuhay sa pagpapatibay ng mga industriya at hanapbuhay.
Nilagdaan na rin ni Pangulong Dutgerte noong unang bahagi ng 2017 ang Paris Agreement. Kailangan lamang magtulungan ang pamahalaan, mga manggagawa at mga may bahay-kalakal. Sa pagtutulungang ito, mananatiling matatag ang pagtugon ng madla sa mga pagbabagong nagaganap sa klima.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |