SINABI ni Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal na lumabag sa mga alituntuning pangseguridad ng paliparan si ACTS-OFW party-list Representative John Bertiz. Ito ang reaksyon ng general manager matapos kumalat sa social media ang panggigipit ng mambabatas sa mga tauhan ng Office of Transport Safety na nagsabi sa kanyang alisin ang kanyang sapatos bago pumasok sa pre-departure area.
May pagkukulang ang mambabatas sapagkat ipinakita lamang niya ang kanyang Identification Card na nagsasabing miyembro pa siya ng House of Representatives kaya't marapat na hindi na pag-alisin ng kanyang sapatos. Kahit umano may Identification Card na inilabas ang Ninoy Aquino International Airport sa mga mambabatas, ito ay upang mabigyan lamang sila ng kaukulang paggalang.
Ginagawa lamang ng mga tauhan ng paliparan ang kanilang obligasyon, dagdag pa ni G. Monreal. Inilapit pa ng mambabatas ang kanyang dalang identification card sa mukha ng kawani ng NAIA. Kinuha rin niya ang identification card ng kawani upang makuha ang pangalan ng kanyang nakaalitan. Magugunitang ang Ninoy Aquino International Airport ay saklaw ng Manila International Airport Authority.
Naglabas na ng kanyang pahayag si Congressman Bertiz na humihingi ng paumanhin sa naganap.
1 2 3 4 5