|
Ang mag-asawang sina Wan Yi at Gao Mulan ay mga magsasaka sa Lalawigan ng Guizhou sa timog kanluran ng Tsina. Si Wan Yi ay isang walang-imik na tao, ngunit nang mabanggit ang pag-aalaga ng mga baboy at pagtatanim ng mga bulaklak, bigla siyang naging masalita,
"Sa kasalukuyan, abalang abala ako at ang aking maybahay sa pag-aalaga ng mga baboy at pagtatanim ng mga bulaklak. Ipinalalagay ko na mainam ang prospek ng dalawang operasyong ito sa nayon namin. Ang mga teknik ng mga ito ay natutuhan ko sa remote education."
Ang remote education na nabanggit ni Wan ay isa sa mga hakbangin na isinasagawa ng mga may kinalamang departmento ng Tsina para madagdagan ang kakayahan sa paggawa ng mga magsasaka at mapataas ang kanilang kita. Sa ilalim ng sistemang ito, natututuhan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng mga leksiyon sa TV o internet ang agricultural techniques.
Ang bahay ni Wan Yi ay matatagpuan sa Qingshan, isang nayon sa Lalawigan ng Guizhou. Mula noong isang taon, isinagawa ng lalawigang ito ang eksperimento ng remote education at itinatag nito ang mga silid-aralan ng remote education sa mga pilot village. Ang Nayon ng Qingshan ay isa sa mga ito.
Sa taong ito, bukod sa pagtatanim ng palay, batay sa agricultural techniques na natutuhan sa remote education, nag-aalaga ang mag-asawang Wan Yi at Gao Mulan ng 10 baboy at nagtatanim din sila ng mga bulaklak. Ayon sa inisyal na pagtaya ni Wan, lalaki nang lalaki ang kita ng kanyang pamilya sa taong ito at kung ihahambing sa pagtatrabaho niya noong nakaraan sa iba pang lugar, ito ay labis na malaki. Sinabi niya,
"Sa taong ito, ang pakinabang ng pag-aalaga ng bawat baboy ay aabot sa 1600 hanggang 1800 yuan RMB at ang kita namin sa pagbebenta ng mga bulaklak ay aabot sa halos 30 libong yuan RMB."
Tulad ni Wan Yi, pinabuti ng mga iba pang magsasaka ng Nayon ng Qingshan ang kanilang produksyong agrikultural sa pamamagitan ng mga teknik at kaalaman na natutuhan mula sa remote education. Noong araw, napakasimple ng estruktura ng produksiyong agrikultural sa Nayon ng Qingshan at ang pangunahing pinanggagalingan ng kita ng mga taga-nayon ay pagtatanim ng mga pagkaing-butil lamang na gaya ng palay. Ngunit sa kasalukuyan, salamat sa remote education, nagbago nang malaki ang estruktura ng pagtatanim at paghahayupan dito. Nagtatanim ang mga taga-nayon ng mga industrial crops. Ang pagtatanim ng bulaklak ay naging mainitan sa nayon at ang pakinabang sa pagtatanim ng bulaklak sa buong nayon ay tinatayang umabot sa 600 libong yuan RMB sa taong ito.
Sinabi ni Yang Lishu, puno ng Nayon ng Qingshan, na bago nagkaroon ng remote education, maliit lamang ang kaalaman ng mga taga-nayon sa siyensiya at teknolohiya. Ngunit sa kasalukuyan, buong liwanag na napagtanto ng mga ito ang kabutihan ng paghawak ng kaalamang pansiyensiya't panteknolohiya. Nang mabanggit ang mga pagbabago na dulot ng remote education sa nayon, sinabi niya,
"Bago nagsimula ang remote education, 20 lahat-lahat ang mga plastic shield greenhouse sa buong nayon, at ngunit sa kasalukuyan, ang bilang ng mga ito ay umabot sa mahigit 300. Itinatag din ng nayon ang flower association para mabigyan ang mga taga-nayon ng mga impormasyon hinggil sa pagbebenta ng mga bulaklak. Tinataya ko na kung ihahambing sa nakaraang taon, ang paglaki ng karaniwang kita ng bawat pamilya ng nayon namin ay umabot sa di-kukulangin sa 200 hanggang 300 yuan RMB."
Napag-alaman ng mamamahayag na ang pagpapasulong sa agrikultura sa pamamagitan ng remote education, na gaya sa Lalawigan ng Guizhou, ay pinalalaganap sa buong Tsina. Ginamit ng iba't ibang lugar ang modernong teknolohiya ng tele-komunikasyon at itinayo ang network ng remote education. Alinsunod sa plano, hanggang sa taong 2010, ang remote education para sa mga magsasaka ay sasaklaw sa mahigit 700 libong nayon at 40 libong bayan ng bansa. Sa panahong iyon, mas maraming magsasakang Tsino ang makakapagpabago ng kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng siyensiya at teknolohiya.
|