|

Naganap kahapon ng umaga ang isang insidente ng suicide bombing sa Jakarta, Indonesya na ikinamatay ng di-kukulangin sa 9 na tao at ikinasugat ng halos 100 iba pa. Ito ay isa na namang grabeng teroristikong pang-aatake na naganap sa Indonesya.
Ang lugar na pinangyarihan ay matatagpuan sa purok na karatig ng embahada ng Australya. Ang gusali ng embahada at mga iba pang gusali sa paligid ay malubhang nasira. Ayon sa lokal na TV station, ang pagsabog na ito ay mas malakas sa insidente ng pagsabog na naganap noong isang taon sa Marriott Hotel sa Jakarta.

Pagkaraan ng insidente, bumalik sa bansa si pangulong Megawati Soekarnoputri ng Indonesya mula sa Brunei at agarang nagtungo sa lugar na pinangyarihan. Hiniling niya sa lahat ng mga mamamayang Indones na magkaisa para bakahin ang terorismo. Ipinahayag naman ni punong ministro John Howard ng Australya ang kanyang pagkasindak at pagkondena sa insidenteng ito at sinabi niya na hinding hindi susuko ang kanyang bansa sa terorismo.
Nang araw ring iyon, nagpalabas ng isang pahayag sa website ang Jemaah Islamiah, isang nali-link sa al-Qaeda na teroristikong organisasyon sa timog silangang Asya at inamin nito na siya ang responsable sa insidenteng ito.

Ang pangyayaring ito ay nagkaroon ng epekto hindi lamang sa Indonesya, kundi maging sa buong timog silangang Asya. Pagkatapos ng insidente, agarang pinahigpit ng panig pulisya ng Thailand at Malaysia ang mga hakbanging pangkatiwasayan sa area ng mga embahada sa kani-kanilang bansa. Ipinatalastas naman kahapon ng panig militar ng Pilipinas na pumasok na mula kahapon ng madaling araw ang tropa ng Metro Manila sa kalagayan ng red alert para maiwasan ang pagkaganap ng teroristikong pang-aatake sa bisperas ng ika-3 anibersaryo ng "9.11 incident".
Nitong ilang taong nakalipas, patuloy na nagaganap ang mga teroristikong pang-aatake sa rehiyon ng timog silangang Asya na hindi lamang nagbabanta sa katiwasayan ng mga mamamayan ng rehiyong ito, kundi nagdudulot pa ng napakalaking epekto sa pag-unlad ng rehiyon. Buong liwanag na napagtanto ng mga bansa dito na ang palubha nang palubhang teroristikong aksyon ay nagsisilbing isang pangunahing banta na kasalukuyang kinakaharap ng komunidad ng daigdig at para sa katiwasayan at kaunlarang panrehiyon, dapat pahigpitin nila ang kooperasyong panrehiyon laban sa terorismo. Nitong ilang taong nakalipas, nagkaroon ng malawak na pagpapalitan ang mga lider ng iba't ibang bansa ng timog silangang Asya hinggil sa pagbalangkas ng estratehiya laban sa terorismo. Kasabay nito, mula noong taong 2002, ilang beses na idinaos ng Pilipinas, Thailand, Singapore at iba pang bansa sa rehiyong ito ang pagsasanay-militar laban sa terorismo. Noong Hulyo ng nagdaang taon, itinatag ng ASEAN ang sentro ng paglaban sa terorismo sa Malaysia at noong ika-7 ng buwang ito, idinaos ng ASEAN ang pulong ng mga puno ng estado mayor ng hukbong panlupa sa Jakarta at ipinasiya ng mga bansa na sa hinaharap, pahihigpitin ang kooperasyon sa aspekto ng pagsasanay ng mga personel at pagpapalitan ng impormasyon. Bukod dito, magdaraos din sila ng magkasanib na pagsasanay-militar laban sa terorismo.

Ipinalalagay ng mga tagapag-analisa na sa kasalukuyan, ang mga teroristikong aksyon sa timog silangang Asya ay mga transisyonal na aksyon, kaya mahirap na mahirap ang pakikipaglaban ng mga bansa ng rehiyong ito sa terorismo at sila ay mahaba pa ang landas na kanilang tatahakin sa aspektong ito.
|