|
 Sa isang preskon na inihandog ngayong araw ng Konseho ng Estado ng Tsina, isinapubliko ni Li Jialei, Pangalawang Ministro ng State Forestry Administration ang resulta ng ika-6 na inventory hinggil sa yamang-gubat ng bansa. Ayon sa nabanggit na inventory, maliwanag na bumubuti ang kalagayan ng yamang-gubat ng Tsina, bagay na nailalarawan ng patuloy na paglaki ng saklaw ng kagubatan at pagbuti ng kalidad nito.
Ayon sa salaysay, sa kasalukuyan, umabot sa 175 milyong hektarya ang saklaw ng kagubatan ng Chinese Mainland at ang forestry coverage ay 18.21%.
Ang naturang inventory ay isinagawa mula 1999 hanggang 2003 at mahigit 20 libong mananaliksik at manggagawa ang lumahok dito.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Pangalawang Ministro Lei na kasiya-siya ang kasalukuyang kalagayan ng yamang-gubat ng Tsina kumpara sa ika-5 ganitong inventory. Ipinaliwanag niya na:
"Una sa lahat, patuloy na lumalaki ang saklaw ng kagubatan ng Tsina. Halos lumaki ito ng 16 milyong hektarya at tumaas ng 1.66% ang forestry coverage ng bansa. Ikalawa, mas mataas ang paglaki ng saklaw ng kagubatan kaysa konsumo dito. Ikatlo, bumubuti ang kalidad ng kagubatan at bumibilis ang karaniwang paglaki ng mga punong kahoy. Ikaapat, nagiging dibersipikado ang mga punong kahoy ng kagubatan. Ikalima, iba't iba ang pagmamay-ari at pamumuhuan sa kagubatan. "
ipinalalagay ni Lei na ang magandang kalagayan ng yamang-gubat ng Tsina ay uta ng sa mga isinasagawang proyektong ekolohikal ng bansa nitong ilang taong nakalipas. Napag-alamang tuluy-tuloy na pinasimulan na ng Tsina ang 6 na pangunahing proyektong may kinalaman sa forestation sapul noong katapusan ng nagdaang siglo. Ayon sa mga naturang proyekto, mamumuhunan ang Tsina ng mahigit 700 bilyong Yuan RMB para mapaabot sa 76 na milyong hektarya ang saklaw ng kagubatan sa loob ng 50 taon. Ang mga konkretong nilalaman ng nabanggit na 6 na proyekto ay may kinalaman sa pangangalaga sa pinagkukunang-yaman, pagpapaluluntian ng bansa, paghawak sa pagkawala ng tubig at pagguho ng lupa, paglaban sa sandstorm, pangangalaga sa wetlands, pagpapanatili sa dipersipikasyon ng hayop at pagtatayo ng kagubatang pangkomersyo.
Sa kabila ng mga natamong bunga sa larangan ng pangangalaga sa kagubatan, mayroon pa ring problema hinggil dito ang Tsina. Halimbawa, maliit pa rin ang kabuuang bolyum ng kagubatan at kapwa napapahanay sa ika-130 puwesto sa daigdig ang forest coverage rate at per capita forest ng Tsina; hindi balanse ang distribusyon at nag-mahigit-2-ulit ang forest coverage rate ng gitna at silangan ng Tsina sa kanluran ng bansa. Masyado malala ang pagla-logging.
Gayunpaman, ipinahayag ni Pangalawang Ministro Lei na kasabay ng pangangalaga sa likas na kagubatan, may kakayahan pa rin ang Tsina na matugunan ang pangangailangan ng bansa sa tabla. Kaugnay nito, sinabi niya na:
"Kaugnay ng kabuuang pangangailangan at suplay ng pamilihan ng tabla ng bansa sa hinaharap, optimistiko kami sa kabuuan. Ito ay dahil, una, ang taunang konsumo ng bansa sa tabla ay katumbas lamang ng 70% ng kabuuang bolyum ng itinatanim na punong kahoy; ikalawa, sa kasalukuyang kagubatan, may sapat kaming hinog na punong kahoy hanggang 2010; ikatlo, pinasimulan na ang proyekto na may kinalaman sa pagtatanim ng punong kahoy na mabilis ang paglaki, bunga nito, maaaring matamo namin ang sapat na tabla bawat taon mula sa taong 2015. "
Kaya, ipinalalagay ni Lei na sa hinaharap, matutugunan ng Tsina ang sariling pangangailangan sa tabla at hindi ito kailangang mag-angkat ng tabla mula sa bansang dayuhan.
|