Ang Musoleyo ng Dingling ay libingan ni Emperador Wan Li ng Dinastiyang Ming (1368-1644). Nasa trono si Wan Li mula noong 1573 hanggang 1620. Nagsimulang itayo ang kanyang libingan nang siya ay 22 taong gulang pa lamang. Ginugol ang anim na taon at 8 milyong taels ng pilak para tapusin ang libingang ito.
Ang Dingling ay hinukay noong 1958 at mula noo'y binuksan ito sa publiko bilang isang museo sa ilalim ng lupa.
Nasa mga 50 kilometro ang layo sa gawing hilagang kanlurang Beijing, ang Dingling ay isa sa 13 libingan imperyal ng Ming Dinasty sa purok ng kapital ng bansa. Kaya, mas kilala ang purok na ito sa tawag na Shisanling na ibig sabihin ay 13 libingan. Ang mga libingang ito ay nakakalat sa isang lambak na may lawak na mga 40 kilometrong kuwadrado. Liban sa dakong timog, ang buong lambak ay napaliligiran ng mga bundok.
Ang daang nalalatagan ng bato na may 7 kilometro ang layo ay papunta sa mga libingan ng Ming. Nagsisimula ito sa isang kahanga-hangang daang-arkong marmol na naitayo noong 1540, isang pambihirang relikya ng mga Dinastiya ng M ing at Qing. Katabi nito ay may isang tabletang bato na nagpapahayag sa mga pumapasok na simula dito ay dapat maglakad sila papunta sa mga libingan. Pinagbabawalang pumuta sa paligid ng purok ng mga libingan ng emperado ang mga karaniwang tao. Parurusahan ng kamatayan ang sinumang mangahas ng pumasok sa ipinagbawal na lugar. Di-kalayuan sa daang-arko ay makikita sa magkabilang panig ng daan ang mga malalaking estatwang bato, 24 na leon, kamelyo, elepante, kabayo at mahiwagang hayop at 12 heneral at ministro.
Ang Dingling ay binubuo ng pangibabaw na istrakturang karamihan ay naging guho na at ng palasyo sa ilalim ng lupa. Sa loob ng isang kaakit-akit na "Tore ng Diwa" ng nililok na bato ay may isang malaking tabletang bato na inukitan ng posthumous title ni Wan Li. At sa likod naman nito ay ang libingan may 230 metrong diyametro na natatamnan ng madawag na pinetree at napaliligiran ng 700 metro ng ladrilyong pader. Sa ilalim nito ay ang malaking bulwagan ng libingan, ang "palasyo sa ilalim ng lupa" na kinalalagayan ng kabaong ni Emperador Wan Li at kanyang Emperatris.
Makakarating sa pasukan ng palasyo sa ilalim ng lupa ang mga manlalakbay sa pamamagitan ng may 27 metrong magdanang bato pababa. Ang pasukang ito ay isang nauukitang tarangkahang batong marmol na may dalawang pintong yari sa isang buong marmol na puti. Bawat isa ay may timbang na apat na tonelada, may taas na 3.3 metro at may lapad na 1.7 metro. Ang malaking pintuan ay mahusay na isinara ng umaaktong haliging bato sa likod ng bawat pinto. Nang isara ang pintong ito, ang itaas na dulo ng haliging bato ay bumagsak nang awtomatiko sa isang lubak na tama-tamang sa ilalim ng isang umbok sa likod ng bawat pinto para hindi na mabuksang muli.
May tatlong magkakahilirang nakaarkong bulwagan sa palasyo: ang bulwagang harapan, bulwagan ng sakripisy ong may kasamang dalawang kuwarto sa magkabilang panig nito at ang bulwagang kinalalagayan ng mga kabaong.
Ang palasyong ito ay itinayo ng purong bato na may nakaarkong kisame at walang haligi o barakilan. Walang laman ang bulwagang harapan. Ang bulwagan ng sakripisyo ay may habang 32 metro at may lapad na 6 metro. Nasa likod nito ang ikatlong tarangkahang papunta sa bulwagan ng libingan kung saan ay may tatlong trono ng puting marmol. Ang gitnang trono na may ukit ng disenyong dragon sa likod at gilid ay para sa emperador. Katabi nito sa magkabilang panig ay tig-isang trono para sa emperatris na diniseyuhan ng finiks, sagisag ng emperatris.
|