Noong huling dako ng primitibong lipunan, ang Sistema ng Pagbaba sa trono ay malawakang ginagamit ng mga tribo. Nang matanda na ang Dakilang Yu, binalak niyang bumaba ng trono para paupuin si Boyi, na tumulong sa kanya sa kanyang mga gawain ng pagkontrol sa baha. Gayuman, nang pumanaw si Yu, sinamantala ng kanyang anak na si Qi ang kanyang natatanging katayuan at kapangyarihan, pinatay niya si Boyi at umakyat sa trono. Ang minamanang dinastiya na itinatag ni Qi ay kilala bilang Dinastiyang Xia, na siyang kauna-unahang dinastiya sa Tsina. Mula noon, ang Minamanang Sistema ang humalili sa Sistema ng Pagbaba sa trono at ang Tsina ay naging isang lipunang nababase sa pang-aalipin.
Gayunman, mula kay Sima Qian, itinuturing ng mga historyador sa mga sumunod na dinastiya si Dakilang Yu bilang tagapagtatag ng Dinastiyang Xia. Tumagal ng 400 taon ang Dinastiyang Xia mula sa ika-21 siglo BC hanggang ika-17 siglo BC. Sa kabuuan, ito'y may 17 hari at tumagal ng 14 na henerasyon.
Bagama't ang ideal na lipunan ng Dakilang Harmonya ay hinalinhan ng isang awtokratikong rehimen, ang pagkakatatag naman ng Dinastiyang Xia ay kumakatawan sa isang malaking pagsulong sa ebolusyon ng Tsina.
Sa ganitong bagong klase ng sistemang panlipunan, walang dudang kulang ang naghaharing uri ng kinakailangang karanasan sa pamamahala sa bansa. Sa loob ng kanilang 400 taong paghaharo, ang mga panloob na hidwaan at tunggalian para sa kapangyarihan ay patuloy na nagdudulot ng kaguluhan sa mga naghaharing dinastiko. Sa katapusan ng Dinastiyang Xia, lalong sumidhi ang mga pananalakbay ng mga taga-labas at hidwaang panloob. Pagkaakyat niya sa trono, sa kabila ng mga kaguluhan sa loob ng estado, masaya pa rin ang buhay ni Jie. Maghapon at magdamag na kaulayaw niya ang kanyang mga kalaguyo habang nagpapatayo ng maraming mararangyang palasyo para sa sariling kasiyahan. Pinamunuan ng Tang, isang maliit na estado ang rebolusyong nauwi sa pagbagsak ng despotang si Jie. Wala na ang Dinastiyang Xia.
Dahil sa kawalan ng mga talang pangkasaysayan, may ilang nagdududa sa pananatili ng Dinastiyang Xia. Gayunman, ang mga tuklas na may kinalaman sa Kulturang Longshan at Kulturang Erlitou ay nagbigay ng maraming reperensiya para sa pag-aaral ng mahiwagang Xia.
Sa unang dako nito, ang Western Zhou Dynasty (ang ika-11 siglo BC hanggang 711 BC), ay may sapat na kapangyarihan upang makontrol ang mga sakop na estado. Sa partikular, pinagbawalan ang mga estado na maglabanan para maaneksa ang kanilang mga kalapit na estado. Gayunman, sapul nang ilipat ni Haring Ping ang korte nito sa Luoyi (kasalukuyang lunsod ng Luoyang sa Lalawigang Henan), at itinayo ang Eastern Zhou Dynasty, lumiit ang impluwensiya ng Zhou. Bagamat napanatili ng hari ang posisyon nito bilang panginoon sa turing, hindi na siya nakayang kontrolin ang mga aktibidad ng kanyang mga sakop na estado. Ang di-pagkakabalanse ng ekonomiya ay nangangahulugang mas malakas ang ilang estado kaysa ibang estado. Sa halip, humantong ito sa pagdedeklara ng mas malakas na estado ng digmaan sa mas maliit na estado at pag-aaneksa dito nang hindi inaalintana ang mga pagbabawal ni Zhou hinggil sa gayong aktibidad.
Kaya sapul sa pagsisimula ng Eastern Zhou Dynasty hanggang sa unipikasyong isinagawa ni Qin, ang Tsina ay kinakitaan ng pagkakawatak-watak at patuloy na labanan. Sa kasaysayan, ito'y itinala sa dalawang panahon: ang Spring and Autumn Period (770BC – 476BC) at ang Warring States Period (476BC – 221BC).
|