Matapos taluntunin ang dagat ng mga ulap sa Zhangjiajie, mararating mo ang ibaba ng lambak. Magpapaikut-ikot naman ang iyong sasakyan paakyat sa paliku-likong daan ng bundok na tila isang labirinto. Makikita rito ang mga kamangha-mangha bangin sa pagitan ng mga bundok na tila tinabas ng palakol.
Pinakamatarik sa mga ito ang Bundok ng Tianzi. Malalampasan mo ang napakaraming taluktok sa pagsakay mo sa cable car. Sa pagtingin naman sa ibaba, makikita mo ang mga taluktok na ito na tila mga espadang tumatagos sa asul na ulap.
Ang "Likod na Halamanan", bagaman isa ring kagubatan ng mga bato, ay hindi lubos na nakakatakot. Mayroon ditong matatayog na punong bato, payat na kawayang bato at punggok na kabuteng bato. Sa gitna ng mg a bulaklak na bato ay mga leong bato, tigreng bato, pagong na bato at kunehong bato. Kung pagod ka na, makauupo ka sa mga bangkitong bato at kung inaantok ka, makapagpapahinga ka sa silid na bato. Hindi ka dapat matakot sa mga magaganap sa labas ng silid na bato dahil may mga mandirigmang bato na nakahanay sa labas. Ang lahat ng mga ito, bagaman tila sinadya, ay isinaayos ng Kalikasan.
Sa Bundok ng Tianzi, makikitang magkasama kahit saan ang mga tubig at bundok. Sa matataas na bundok, may mga lawa at sa kanilang paanan ay may mga ilog. Lumalagaslas ang talom mula sa mga dalisdis at naiipon ang tubig sa mga siwang ng bato. Saan ka man magpunta, makikita mo ang pagbulwak ng tubig mula sa mga bukal ng bundok.
Isang napakalalim na banging napaliligiran ng iba pang mga bangin ang matatanaw sa malayo ngunit hindi maaabot. Mula sa isang dalisdis, bumubuhos ang isang talon sa isang ilog sa ilalim ng lupa. Sa malapit dito ay may matandang punong kawangis ng isang napakalaking payong. May natural na hagdan dito patungo sa ilalim ng bangin. Ang sinumang bumababa sa hagdan ay maaaring matakot sa tunog ng dumadagundong na tubig ng talon. Ang banging tinatawag na Shentangwan, ay nababalot ng dagim. Walang nakaaalam ng tiyak na lalim ng bangin at mapapaisip na lamang ang manlalakbay sa kung ano ang nagkukubli sa ilalim matapos matanaw ang malalaking palaka at bayawak na paminsan-minsang namamahinga sa kahabaan ng hagdan.
|