May isang 23 anyos na guro sa Nayong Pagqi sa Nyingchi ang nagkataong tinatawag na Degyi. Nagtapos siya sa Lhasa Normal University at tatlong taon nang nagtuturo sa nayon. Bantog ang naturang nayon sa Tibet na tinatawag ding "auto village", sapagkat bawat pamilya ay nag-aari ng di-kukulangin sa isang behikulong de motor. Napabuti ng mga taganayon ang kanilang kita sa kanilang negosyo sa transportasyon at higit na mataas ang kanilang pamantayan ng pamumuhay kaysa mga tao sa ibang bahagi ng Nyingchi.
Ang nayon ay may 27 mag-aaral na school-age at pre-school-age. Ang silid-aralan ni Degyi ay 15 metro kuwadrado ang luwang. Ang 15 mag-aaral na pito at walong taong gulang ay nakaupo sa tatlong hanay. Habang pinamumunuan niya ang mga mag-aaral sa pagbabasa ng mga bagong salitang Tibetano ay sumusunod sa kanya ang mga bata sa unang 2 hanay, samantalang iyong mga nasa ikatlong hanay naman ay abalang abala sa pagsusulat.
Sinabi ni Degyi na ang kaniyang klase ay pinagsamang Grade One at Grade Two. Habang tinuturuan niya ang Grade Onde ay gumagawa naman ng kanilang homework ang mga mag-aaral sa Grade Two na naka-upo sa likuran at vice-versa. Tulad din naman sa ibang parte ng Tibet, dalawa ang medium na ginagamit sa kaniyang klase--wikang Tibetano at wikang Tsino. Libre ang matrikula, at mga 15 hanggang 25 Yuan lamang sa isang taon ang bayag sa mga teksbuk at kwaderno. Si Degyi ang nag-iisang guro sa nayon. Bukod sa 15 mag-aaral, nagtuturo din siya ng mga kursong tulad ng arismetika, mga wikang Tibetano't Tsino, musika at karaniwang karunungan tungkol sa kalikasan para sa 12 batang pre-schooler. Kapag natapos na ang mga bata sa unang dalawang grado magpupunta sila sa bayan ng Bayi na mga 5.5 kilometro ang layo para ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Si Degyi ay nag-aral sa Bayi bago siya magpatala sa Lhasa Normal University. Tulad ng mga hinihingi ng reglamento sa lokalidad na ang mga nagtapos sa unibersidad ay dapat bumalik sa kanilang pinanggalingan, ay bumalik si Degyi sa Bayan ng Bayi. Marami aniya sa kaniyang mga kamag-aral ang nasa ganitong situwasyon, kaya hindi niya dinaramdam ang kaniyang kalagayan. Bukod dito, mabuti ang pagtrato sa kaniya ng mga taganayon at di-maglalaon ay mabibihasa rin siya sa buhay rito.
Si Degyi ay nagtatrabaho mula ika-9 ng umaga hanggang ika-6 ng hapon araw-araw. Sinabi niya na tuwing nakikita niya ang mga walang malay na batang ito ay nakadarama siya ng kasiyahan at ang mamuhay na kasama nila ay nagpapabata at nagpapasigla sa kaniya. Sa kanyang malayang oras, nanonood si Degyi ng telebisyon at nagbabasa ng mga magasin. Ang kanyang asawa ay nagtatrabaho sa pangasiwaan ng industriya't komersiyo ng Bayan ng Bayi. Magkasama silang nagpapalipas ng Sabado't Linggo.
Datapuwa't tahimik ang pamumuhay niya sa kasalukuyan, umaasa pa rin si Degyi na makakapunta siya sa isang malaking lunsod sa ibang araw. Gusto niyang makakuha ng master's degree at kung maaari ay makapunta sa isang purok na interyor at ang lunsod na pinakagusto niyang puntahan ay ang lunsod ng Shanghai dahil aniya ito ay moderno.
|