Nagpadala noong Biyernes ng mensahe si pangulong Hu Jintao ng Tsina kay pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng Pilipinas hinggil sa grabeng landslide na naganap kaninang umaga sa Lalawigan ng Southern Leyte ng Pilipinas. Sa ngalan ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino, nagpahayag sa mensahe si Hu ng pakikiramay kay Arroyo, sa pamahalaan at mga mamamayang Pilipino at sa mga kamag-anakan ng mga biktima ng kalamidad. Ipinasiya rin ng pamahalaang Tsino na magkaloob ng pangkagipitang tulong na materyal na nagkakahalaga ng 1 milyong dolyares sa pamahalaang Pilipino. Naganap nang araw ring iyon sa Southern Leyte ang landslide at ayon sa ulat ng Philippine National Red Cross, sa panahong maganap ang kalamidad, mga 200 tao ang namatay, mahigit 1500 tao ang nawala at mahigit 500 bahay ang ibinaon. Ang malaking landslide na ito ay dulot ng tuluy-tuloy na dalawang linggong rainstorm sa lalawigang ito.
Pagdalaw ni punong ministro Soe Win ng Myanmar sa Tsina: sa paanyaya ni premyer Wen Jiabao ng Tsina, dumating noong Martes ng Kunming, lunsod ng Lalawigan ng Yunnan ng Tsina si punong ministro Soe Win ng Myanmar para pasimulan ang kanyang 4 na araw na pagdalaw sa Tsina. Nang araw ring iyon, nakipagtagpo sa Beijing kay Soe Win si premyer Wen Jiabao ng Tsina. Sa pagtatagpo, sinabi ni Wen na umaasa ang Tsina na patuloy na pasusulungin ng Myanmar ang proseso ng pambansang rekonsilyasyon sa loob ng bansa para maisakatuparan ang pag-unlad ng kabuhayan at progreso ng lipunan. Binigyan-diin ni Wen na ang mga suliraning panloob ng Myanmar ay dapat lutasin ng pamahalaan at mga mamamayan ng Myanmar sa pamamagitan ng nagsasariling konsultasyon. Tinukoy din niya na umaasa ang Tsina na mapapalakas nila ng Myanmar ang bilateral at mutilateral na kooperasyon para sa pakikibaka sa droga at malalagdaan ang kasunduang pangkooperasyon sa pakikibaka sa droga sa lalong madaling panahon. Sinabi naman ni Soe Win na tulad ng dati nananangan ang pamahalaan ng Myanmar sa patakarang pangkaibigan sa Tsina at sa patakarang isang Tsina. Ipinahayag din niyang nakahanda ang Myanmar na palalakasin, kasama ng Tsina, ang kanilang pagkokoordinahan at pagtutulungan sa pakikibaka sa droga at maayos na nahahawakan ang mga may kinalamang isyung kanilang pinahahalagahan. Noong Miyerkules, nakipagtagpo rin kay Soe Win sina pangulong Hu Jintao at tagapangulo Wu Bangguo ng ng pirmihang lupon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina. Sa pagtatagpo, sinabi ni Hu na sa ilalim ng bagong situwasyon, nakahanda ang Tsina na patuloy na manangan sa patakarang diplomatiko na pakikipagmabutihan, pakikipagtuwangan at mapayapang pakikipamuhayan sa mga kapitbansa. Ipinahayag din nina Wu Bangguo at Soe Win ang kahandaan na pahigpitin ang pagpapalitan hinggil sa mga tungkulin sa harap ng dalawang bansa na kinabibilangan ng pagpapaunlad ng kabuhayan at pagpapataas ng lebel ng pamumuhay ng mga mamamayan. Noong Huwebes at Biyerner, dumalaw rin sa Xi'an at Guangzhou si Soe Win.
Nagtagpo noong Lunes sa Beijing sina Liu Yunshan, Ministro ng Propaganda ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina at Rawat Chamchalern, chairman ng Mass Communication Organization of Thailand (MCOT). Sa pagtatagpo, ipinahayag nila ang kahandaang ibayo pang palakasin ang pagtutulungan ng kanilang mga organong pampahayagan. Positibo si Liu sa ginagawang pagsisikap ng MCOT nitong ilang taong nakalipas para sa pagpapaunlad ng pagpapalitan at pagtutulungan nila ng sirkulo ng mass media ng Tsina, at umaasa aniya siyang mapapalakas ng kanilang mga organong pampahayagan ang pagtutulungan para makapagbigay ng bagong ambag para sa pagkakaibigan ng dalawang bansa. Ipinahayag naman ni Rawat ang kahandaang patuloy siyang magsikap para mapalalim ang pag-uunawaan at pagpapalitang pangkultura ng mga mamamayang Tsino at Thai at mapasulong ang pagtutulungan at pagpapalitan ng mga mass media ng dalawang bansa.
Sa isang pahayag na ipinalabas noong Lunes, sinabi ni punong ministro Hun Sen ng Cambodia na buong tatag na tinututulan ng kanyang bansa ang anumang pananalita at aktibidad hinggil sa pagsasarili ng Taiwan at kinakatigan ang usapin ng reunipikasyon ng Tsina. Tinukoy ni Hun na ang Taiwan ay isang di-maihihiwalay na bahagi ng Tsina at dapat tanggihan ang lahat ng pananalita at aktibidad na nakakasira sa reunipikasyon ng Tsina. Sinabi din niyang ang paninindigang "pagsasarili ng Taiwan" ng pangasiwaang Taywanes ay magdudulot ng maigting na kalagayan: hindi lamang ito lumalabag sa pundamental na kapakanan ng mga mamamayang Tsino ng magkabilang pampang ng Taiwan Straits, kundi makakapisala pa sa kapayapaan at pag-unlad ng rehiyon at daigdig. Inulit ng pahayag na buong tatag na nananangan ang pamahalaan ng Cambodia sa patakarang isang Tsina at kinakatigan ang lahat ng pagsisikap ng pamahalaang Tsino para sa pagsasakatuparan ng mapayapang reunipikasyon ng bansa.
Ipinahayag noong Martes sa Vientiane ni Zhang Xinfeng, pangalawang direktor ng pambansang lupon hinggil sa pakikibaka sa droga ng Tsina na palalakasin ng kaniyang bansa ang pagkatig sa Laos sa pakikibaka sa droga. Sa pulong na idinaos dito nang araw ring iyon hinggil sa pagpigil sa pagtatanim ng hush poppies sa buong Laos, ipinatalastas ng pamahalaan ng Laos na isinakatuparan na nito ang pagpipigil sa pagtatanim ng husa sa buong bansa. Hinggil dito, ipinahayag ni Zhang na tulad ng dati, patuloy na magbibigay ang Tsina ng substansyal na tulong sa Laos para masustenahan ang mga bunga ng isinasagawang pagpigil sa pagtatanim ng hush poppies sa Laos. Samantala, nanawagan din siya sa komunidad ng daigdig na patuloy na palakasin ang pagkatig sa Laos sa pakikibaka sa droga sa aspekto ng pondo, teknolohiya at iba pa.
|