• Hinggil sa CRI• Hinggil sa Serbisyo Filipino
More>>
China Radio International
Balita sa Tsina
Balita sa daigdig
Pulitika
Kabuhayan
Lipunan
Kultura
Isports
• Pakinggan ninyo ang pinakahuling programa natin

Tsinaistik

Lipunan

Tsina at ASEAN

Olimpiyada

Musika

Dear Seksiyong Filipino
(GMT+08:00) 2006-08-11 20:28:33    
Olimpiyada sa Tsina

CRI
Ika-8 ng Agosto, 2006 ay simula ng dalawang taong countdown ng ika-29 na Olympic Games na idaraos sa 2008 dito sa Beijing. Ngayong araw, nagdaos ang mga mamamayan sa iba't ibang lugar ng Tsina ng mga aktibidad bilang pagdiriwang sa espesyal na araw na ito. Pero sa totoo lang, nitong nakaraang buwan, sa isang maliit na bayan sa hilagang silangang Tsina, nauna nang nagdiwang para sa okasyong ito ang mga mamamayang lokal sa kanilang sariling paraan. Sa programa sa gabing ito, ikukuwento ko sa inyo ang hinggil dito.

Ang kuwentong ito ay naganap isang umaga ng tag-init kung kailan maagang sumikat ang araw sa Mulan County sa Lunsod ng Harbin sa hilagang silangang Tsina. Noong umagang iyon, ilang beses na nagising si Ms. Wu Fengying, isang residenteng lokal na nasa katanghaliang-gulang, dahil sabik na sabik siya sa isang aktibidad na idaraos nang araw ring iyon bilang publisidad para sa Beijing Olympic Games. Magsisimula ang aktibidad sa alas-8 ng umagang iyon, pero wala pang alas-6, gising na siya. Isinuot niya ang pinakamagara niyang damit at naglagay ng make-up. Handang-handa na siya para sa naturang aktibidad at hinggil dito, sinabi niya na,

"Maaga akong nagising kaninang umaga. Halos hindi ako nakatulog sa pananabik. Ang 2008 Olympic Games ay idaraos sa aming bansa. Masuwerte at nagmamalaki akong makapagbigay ng ambag sa pagsasagawa ng publisidad para sa palarong ito."

Nagretiro si Wu mula sa isang bahay-kalakal sa lokalidad noong tatlong taon ang nakaraan at pagkatapos nito, sinimulan niya ang pagsasayaw ng "yangge" araw-araw bilang isang inklinasyon. Ang "yangge" ay isang may sariling kakanyahang katutubong sayaw ng Tsina at noong araw na iyon, sa pamamagitan ng sayaw na ito, magsasagawa si Wu at ang kanyang mga kaibigan ng publisidad para sa Beijing Olympic Games. Sa kauna-unahang pagkakataon, naranasan ni Wu na kung gaano siya kalapit sa naturang palaro na idaraos sa malayong kabiserang Beijing, kaya tuwang-tuwa siya.

Samantala, sa Lunsod ng Harbin, sumakay sa isang bus patungong Mulan County ang isang group na binubuo ng 6 na kabataan na kinabibilangan ng tatlong mamamayang Pranses. Nakasuot silang lahat ng puting t-shirt na may nakasulat na "Olympics sa Tsina". Ang mga kabataang ito ay mga boluntaryo mula sa iba't ibang sektor ng lipunan na gaya ng mamamahayag, office staff, free lancers at iba pa at ang plano nila, bago mag-2008, pumunta sa mga maliit na bayan sa buong bansa para makapagsagawa ng publisidad para sa Beijing Olympic Games. Kaugnay ng aktibidad na ito, sinabi ni Guo Ning, puno ng grupong ito, na:

"Ang aktibidad naming ito ay bunsod ng aming malakas na damdamin sa Beijing Olympic Games. Ang pagtataguyod ng Olympic Games ay isang mahalagang pangyayari para sa Tsina at ito ay ipinagmamalaki naming lahat na mga mamamayang Tsino. Bilang isa sa kanila, gustung gusto kong magbigay ng ambag sa palarong ito. Naisip kong napakalaki ng Tsina, kaya marahil ay walang lubos na kaalaman hinggil sa Olympic Games ang mga mamamayan sa mga lugar na gaya ng mga maliit na bayan. Dapat ibahagi namin sa kanila ang kasiyahang dulot ng pagiging punong-abala ng Olympic Games. Kaya, nitong nagdaang dalawang buwan, tinipon ko ang ilang kaibigang may katulad na palagay at sinimulan naming planuhin ang kasalukuyang aktibidad. Sa prosesong ito, napagtagumpayan namin ang mga kahirapan sa aspekto ng tauhan, gugulin at iba pa at ang pinakamahalaga sa lahat, nakatanggap kami ng masiglang reaksyon mula sa mga residente ng Mulan County. Dahil sa mga ito, lipos kami ng pananalig na magiging matagumpay ang aktibidad na ito."

Mga alas-10 ng umaga, sinimulan na ni Wu at ng kanyang mga kaibigan ang pagsasayaw. Samantala, pagdating naman ng Mulan County, lumahok kaagad sa parada ng mga mananayaw ang mga boluntaryo na may hawak ng mga polyeto hinggil sa Beijing Olympic Games.

Sa tunog ng gong at tambol, nagsimulang magmartsa ang paraders at nagsimula ring magkalat ng mga polyeto ang mga boluntaryo. Nag-uunahan ang mga residenteng lokal sa paghingi ng mga polyeto at pagkaraang makakuha, seryosohang binabasa nila ang mga ito. Nang makita nila ang kasiglahang ito ng mga residenteng lokal, tuwang-tuwa ang mga boluntaryo at sinabi ni Julian, isa sa nabanggit na tatlong miyembrong Pranses, na:

"Bagama't hindi ko naiintindihan ang sinasabi ng mga mamamayang lokal, nakikita ko naman sa kanilang aksyon, ang kanilang pagpapahalaga sa pagdaraos ng Olympic Games sa Tsina. Kung ang suportang ito ng mga mamamayang Tsino ang pagbabatayan, siguradong magtatagumpay ang 2008 Olympic Games."

Dahan-dahang nagmamartsa ang mga paraders, at marahan din ang takbo ng mga kotse sa daan, at humihingi ang ilang tsuper ng polyeto. Nakangiti ang bawat taong nakakakuha ng polyeto. Masayang masaya ang lahat ng mga taong kasama sa parada at mga boluntaryo. Sinabi ng boluntaryong Si Ginoong Wang, empleyado sa isang bahay-kalakal, na:

"Naantig ako, partikular na sa sandali ng pagpapahayag nila ng pasasalamat nang makuha ang polyeto. Sa sandaling ito, wala na akong pagod bunga ng mahabang paglalakbay sa tren at ikinararangal ko ang munting ambag ko sa publisidad kaugnay ng Olympiyada."

Takip-silim na nang dumating ng pangunahing parke ng lunsod na ito ang mga boluntaryo na may dalang istreamer na kinasusulatan ng "One world, One Dream". Maraming tao sa parke para sa ehersisyo: may nagsasayaw, may nagbabadminton at meron ding nagsha-shadow-boxing. Nginitian nila ang mga boluntaryo dahil pamilyar sila sa kanila. Pagkaraang ilatag ng mga boluntaryo ang naturang istreamer, nag-unahan silang lumagda rito. Sinabi ni Ginoong Liu, isa sa mga signataryo na:

"May malaking katuturan ang aktibidad na ito at ang publisidad para sa Olimpiyada sa aming bayan ay lubos na nakakapagpasigla sa aming kompiyansa bilang isang Tsino. Ang pagdaraos ng 2008 Olympics sa Beijing ay isang napakalaking pangyayari para sa mga residente ng Beijing, ito ay isa ring napakalaking pangyayari para sa lahat ng mga mamamayang Tsino."

Mga alas-6 na ng gabi, paunti na nang paunti ang mga tao sa parke at natapos ang aktibidad nang halos isang oras na lampas sa iskedyul. Pagod na pagod si Wu Fengying at ang mga boluntaryo, pero tuwang-tuwa naman sila sa naibigay nilang kontribusyon sa Beijing Olympic Games. Pagkatapos ng aktibidad, balik uli ang lahat ng mga kalahok sa kanilang normal na pamumuhay. Balik uli sa pagsasayaw ng "yangge" si Wu Fengying at balik din uli sa kanilang pang-araw-araw na trabaho at pamumuhay sa Beijing ang mga boluntaryo. Ngunit sa pamamagitan ng kasalukuyang aktibidad, lalong naramdaman ng mga residente ng Mulan County ang pagiging malapit sa kanilang puso ng Beijing Olympic Games at lalong tumindi ang kanilang pananabik sa pagdaraos ng palarong ito.

Habang papalapit ang panahon ng pagbubukas, sumisigla nang sumisigla ang buong Tsina sa Olimpiyada. Ang logo ng Olimpiyda ay usong-uso at ang 2008 Olympics mascot ay kaibig-ibig at nagiging mas masigla ang mga aktibidad sa buong bansa na naglalayong palaganapin ang kaalaman tungkol sa Olimpiyada. Lumilitaw rin ang mas maraming katulad na boluntaryong grupo at indibiduwal. Mayroong silang malaking interes sa Olimpiyada at ikinararangal nila ang pagdaraos ng Olimpiyada dito sa Tsina. Pumaparoon sila sa mga daan para kunan ang maaiikling pelikula, nagtataguyod din sila ng iba't ibang mini Olympics sa mga kapitbahayan. Kinabukasan, ang naturang mga karaniwang mamamayang Tsino ay patuloy na magpapakita ng kanilang interes sa Olimpiyada sa pamamagitan ng kanilang sariling paraan.