Sa kasalukuyan, aktibong pinasusulong ng Xi'an, punong lunsod ng Lalawigang Shaanxi sa dakong hilaga-kanluran ng Tsina, ang urban agriculture. Sa prosesong ito, sa kanugnog ng lunsod, matatagpuan ang mga plantasyon na nagtatampok sa turismo at mga produktong bio-agrikultural, bagay na nakakaakit ng maraming tagalunsod. Salamat sa bagong agrikulturang ito, yumayaman din ang mga magsasaka.
Ang konsepto ng urban agriculture ay nilikha, unang-una na, ng mga ekonomistang Amerikano noong 1950s hanggang 1960s. Ang agrikulturang ito ay naglilingkod, pangunahin na, sa mga tagalunsod. Kaugnay nito, ipinalalagay ni Agronomistang Zhang Xuanhou, na:
"Bilang bagong modelo ng agrikultura, nakakatulong ang urban agriculture sa pagbabago ng tradisyonal na agrikultura tungo sa pagiging makabagong agrikultura at salamat dito, bumibilis ang industriyalisasyon ng agrikultura."
Napag-alamang sa pamamagitan ng pagpapasulong ng urban agriculture, hindi lamang natutugunan ang pangangailangan ng mga tagalunsod sa produktong agrikultural, kundi, higit na mahalaga, nakakalikha ito ng kasiya-siyang kapaligirang panlibangan para sa mga tagalunsod.
Bukod dito, nararagdagan din ang kita ng mga magsasaka. Sa Xi Ba Shi, isang nayon sa kanugnog ng Xi'an, dahil sa paggamit ng organic fertilizer, labis na matamis ang itinatanim na pakwan ng nayon, kaya, mabentang mabenta ang mga ito. Kaugnay nito, sinabi ni Gong Kanghai, puno ng nayon, na:?
"Ang buong proseso ng pagtatanim ng pakwan mula sa pagtatanim ng punla hanggang sa paglaki ng prutas ay nasa ilalim ng buong higpit na superbisyon ng nayon. Bukod sa organic fertilizer, walang panganib din ang ginagamit naming pamatay-kulisap. Salamat sa paggamit ng hay-tek, mahigit 10 libong Yuan RMB o 1200 dolyares ang karaniwang taunang kita ng mga magsasaka sa pagtatanim ng pakwan."
Kasabay nito, nagsusulputan din ang mga kooperatibong organisasyong pang-agrikultura. Mahusay sila sa pag-oorganisa ng mga magsasaka para magtanim ng mga prutas at pagkaing-butil upang matugunan ang pangangailangan ng pamilihan at tumutulong din sila sa mga magsasaka sa pagpapapromote ng kanilang mga produkto.
Ang Samahang Cherry sa Baqiao District ng Xi'an ay isa sa mga ganitong organisasyon. Bilang pagpapahayag ng kanilang pasasalamat sa samahan, ang mga magsasaka ay sarilinang nagtanghal ng Kuaiban o clapper talk dito.
Sa kanilang palabas, pinasasalamatan nila ang ibinibigay na tulong ng samahan sa larangan ng paggamit ng hay-tek, pagpapapromote ng produkto at iba pa. Anila pa, dahil dito, mabiling mabili ang kanilang paninda at tumataas din ang kanilang kita.
Upang ibayo pang mapasulong ang urban agriculture, naglaan na ang Xi'an ng espesyal na pondo na nagkakahalaga ng 50 milyong Yuan o 6.25 milyong dolyares para sa kasalukuyang taon at nagpasiya rin ang lunsod na mula sa susunod na taon hanggang sa 2010, maglaan ng taunang 60 milyong Yuan o 7.5 milyong dolyares sa larangang ito.
Salamat sa tulong na salapi ng pamahalaang munisipal at mga institusyong pinansyal ng lokalidad, maraming huwarang baseng pang-agrikultura na may saklaw na ilang daang libong hektarya ang naitatag na sa kanugnog ng Xi'an. 9 na kinauukulang bahay-kalakal ang naitatag din at 500 libong magsasaka ang nakikilahok dito. Ilang tatak na kilala sa loob at labas ng bansa ang nalikha rin.
|