Nagpasiya kamakailan ang Pamahalaang Tsino na ibayo pang pasulungin ang cartoon industry ng bansa at sa ilalim ng patakarang ito, inaasahang aabot sa 1% ng GDP ang industriyang ito sa loob ng lima hanggang sampung taon. Sa pagkatig ng naturang patakaran, papasok na sa ginintuang panahon ang industriya ng kartun ng Tsina.
Ang industriya ng kartun ay may kinalaman sa pagpoprodyus at pagbebenta ng mga kinauukulang libro, pahayagan, pelikula, TV shows, CD, VCD, opera, video games at gayundin ng mga kasuotan at laruan.
Sa ilalim ng pinakahuling panlimahang-taong pambansang plano, ang pagpapaunlad ng industriya ng kartun na mataas ang added-value ay isa sa mga priyoridad. Napag-alamang maraming pamahalaang lokal ng Tsina ang nagpapairal na ng mga preperensiyal na patakaran bilang pagkatig sa bagong bumabalikwas na industriya ng kartun. Maraming institusyon ng higher education ang dalubhasa sa kartun. Nagsusulputan din ang mga may kinalamang pagtatanghal, porum at pagsasanay.
Gawin nating halimbawa ang Beijing. Sa kabisera, ilang baseng nagtatampok sa industriya ng kartun ang nakaplanong itayo at ang Shijingshan District sa dakong kanluran ng Beijing ay isa sa mga ito. Kaugnay nito, isinalaysay ni Peng Chunhui, Pangalawang Direktor ng Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng distritong ito, na:
"May 30 bahay-kalakal sa aming distrito na nagtatampok sa iba't ibang larangan ng kartun na tulad ng pagpoprodyus at paglathala ng mga kinauukulang libro. Bilang Cyber Recreation District ng Beijing, meron kaming sentro ng kartun sa Shijingshan at masiglang masigla ang mga may kinalamang bahay-kalakal na magtalaga rito."
Isinalaysay pa ni Peng na bilang pagkatig sa naturang mga bahay-kalakal, maraming pinaiiral na paborableng patakaran ang kanyang distrito na tulad ng housing subsidy at meron din itong espesyal na pondo.
Nagpasiya na ang isang cartoon company na maglipat sa Shijingshan sa malapit na hinaharap. Sinabi ni Jia Liqiang, tauhang nagsimula ng kompanya na:
"Makakatulong ito sa aming kompanya kung magtatalaga kami sa Shijingshan, base ng kartun ng Beijing, kasi, magtatamasa kami ng mga preperensyal na patakaran at maragdagan din ang pagkakataon ng pakikipagtulungan sa mga may kinalamang bahay-kalakal."
Gayunpaman, bilang bagong litaw na industriya, ang industriya ng kartun ng Tsina ay meron pa ring malaking agwat sa mga bansang dayuhan na maunlad dito. Bilang tugon, ipinasiya ng Pamahalaang Tsino na maglaan ng espesyal na pondo. Sa gayon, mapasulong ang iba't ibang aspekto ng industriya na kinabibilangan ng pagdidisenyo, pagpoprodyus at pagbebenta at mahikayat ang mga bahay-kalakal na maging kompetetibo sa daigdig at laging pangibabawan ang katangiang Tsino sa kanilang produksyon.
Ipinalalagay naman ni Sun Lijun, propesor ng Beijing Film Academy, na mahalaga ang pagsasanay sa mga talento, pagpapalaki ng espesyal na pondo at pagpapaganda ng kapaligiran para sa pag-unlad ng mga bahay-kalakal, at mas mahalaga, ang paglikha ng mga kartun na may katangiang Tsino. Sinabi pa niya na:
"Unang una na, dapat kaming makalikha ng mga katutubong kartun. Kung gagayahin lang ng mga bahay-kalakal na Tsino ang kanilang counterpart na Amerikano at Hapones, hinding hindi magiging numero uno ang kartun ng Tsina. Bukod dito, sa marketing, dapat din naming gawing pundasyon ang aktuwal na kalagayan ng Tsina."
Sinabi rin niyang upang maging makatwiran ang estruktura ng pamilihan ng lakas-manggagawa sa kartun, dapat mapasa-iba't ibang antas ang kakayahan ng mga may kinalamang propesyonal. Kasabay nito, aniya, upang makumpleto ang industriya ng kartun, dapat ding aktibong tumakbo ang mga bahay-kalakal ng cartoon derivative na tulad ng kasuotan, laruan at stationery.
|