Sa daan patungo sa Jiuzhaigou, makakatagpo kayo ng mga sagradong simbulo ng Buddismong Tibetano. Kabilang dito ang isang puti o kulay okreng kono na may patulis na taluktok at nakapatong sa isang kuwadradong pedestal. Ang talagang makikita saan mang dako ay ang prayer flags--mga pirasong telang itinaas sa mga tikin--na tumatangay ng mantras papunta sa langit.
Sa panahon ng pamamalagi ninyo sa Jiuzhaigou, makakakita kayo ng ilang Tibetanong nakasuot ng kanilang tradisyonal na kasuutan.
Sa inyong huling gabi sa Jiuzhaigou, maari kayong manood ng isang dalawang-oras na palabas ng mga awit at sayaw na itinatanghal ng mga binata't dalagang Tibetano. Maraming pangkat sa Jiuzhaigou ang naghahandog ng ganitong mga palabas sa gabi.
Bukod sa kanilang propesyunal na palabas, ang lubos na nakikintal sa isip ng mga bisita--lalaki man o babae--ay ang kariktan ng mga babaeng mang-aawit at mananayaw. Nagtataka sila king bakit napakaraming kahali-halinang kagandahan sa mga tropang Tibetano.
Makakaramdam kayo ng pagkabanas sa haba ng oras na gugugulin ninyo sa daan, kasama ang iba pang pahirap sa katawan, dapat ninyong pagtiisan ang paglalakbay na ito dahil pagkatapos ng lahat ng ito kayo na rin ang magsasabi na ang Jiuzhaigou ay isang lugar na hindi nakakahinayang na bisitahin.
Lagi na, ang mga pinakakaakit-akit na pook ay iyong bihirang-bihirang marating ng mga tao.
Kung walang pangangahas, walang matatamong pakinabang.
Ang dalawang kasabihang ito ang pinakamagandang paglalarawan sa mga alaala ng mga bisita sa kanilang paglalakbay sa Jiuzhaigou.
|