Ang Qinghai ay isang lalawigan sa dakong kanluran ng Tsina. Malaki ang saklaw ng lalawigang ito at masagana rin ang mga likas na yaman dito. Nitong ilang taong nakalipas, sinasamantala ng lalawigang ito ang kanyang iba't ibang bentaheng yaman para mahikayat ang mga pamumuhunan mula sa loob at labas ng bansa at epektibo naman sa kasalukuyan, ang estratehiyang ito.
Ang saklaw ng Lalawigan ng Qinghai ay umabot sa mahigit 720 libong kilometro kuwadrado at sa mga ito, mahigit 330 libong kilometro kuwadrado ang damuhan. Dahil sa malaking saklaw ng damuhan, lubos na masagana ang mga yamang-hayop at halaman sa Qinghai. Sa dakong timog ng lalawigan, lalo na, ang mga damuhan ay nasa lugar na may karaniwang 4200 metro ang taas mula sa lebel ng dagat na walang mga naninirahan at walang malalaking bahay-kalakal na industriyal. Utang sa espesyal na bentaheng ito ng likas na kapaligiran, ang mga produkto ng pastulan ng Qinghai ay mga green food na walang polusyon at malawakang tinatanggap ng mga mamimili.
Nitong ilang taong nakalipas, ang paggamit ng mga green resources ng hayop at halaman para mapaunlad ang food processing industry ay nagiging mainam na pagpili ng mga mamumuhunang pumunta sa Qinghai. Hinggil dito, sinabi ni Ma Jiantang, asistenteng gobernador ng Lalawigan ng Qinghai na,
"Isa sa mga napakahalagang bentahe ng Qinghai ay ang yamang-hayop at halaman nito sa talampas. Nitong ilang taong nakalipas, mabilis na umuunlad ang pastulang ekolohikal na may katangian ng talampas ng Qinghai at ito ay nagiging isang katangian ng aming lalawigan. Sa kasalukuyan, lumalaki ang saklaw nito at nagiging propesyonal din."
Bukod sa mga yamang-hayop at halaman, ang masaganang yamang-mineral ng Qinghai ay nakakaakit din ng mga mamumuhunan. Napag-alamang mahigit 60 uri ng mga mineral ang natuklasan sa Qinghai na kinabibilangan ng langis, karbon, asero at mga pambihirang metal.
Ang Xining Special Steel Co. Ltd. ay isang malaking bahay-kalakal na ari ng estado. Sa kasalukuyan, ang taunang produksyon ng bakal ng bahay-kalakal na ito ay umaabot sa mahigit 1 milyong tonelada at ang kabuuang halaga ng produksyon nito noong isang taon ay umabot sa 1.7 bilyong yuan RMB. Kaugnay ng bentahe ng Qinghai sa mga yamang-mineral, sinabi ni Wang Dajun, pangkalahatang tagatuos ng bahay-kalakal na ito, na,
"Masaganang masagana ang Qinghai sa mga yaman na tulad ng asero, karbon at mga non-ferrous metal. Sa kasalukuyan, sasamantalahin namin ang mga yamang ito para lalo pang mapaunlad ang aming bahay-kalakal."
Nitong ilang taong nakalipas, sa ilalim ng pagpapasulong ng estratehiya ng paggagalugad sa dakong kanluran ng Tsina, mabilis ring umuunlad ang konstruksyon ng impraestruktura ng Qinghai na kinabibilangan ng lansangan, daanbakal, abiyasyon, telekomunikasyon at iba pa. Kasunod ng pagbuti ng kapaligiran ng pamumuhanan, lumalakas din ang pananalig ng mga mamumuhunan sa Qinghai. Nitong nakaraang dalawang taong singkad, kapwa nagdoble ang taunang paglaki ng pamumuhunan doon.
Ngunit ang paggagalugad ng Lalawigan ng Qinghai sa mga yaman nito ay hindi naman maaring walang limitasyon. Kasunod ng pagharap ng pamahalaan ng Tsina ng kamulatan sa siyentipikong pag-unlad, binibigyan din ng Qinghai ng parami nang parami pansin ang sustenableng pag-unlad. Kaugnay nito, sinabi ni Ma Jiantang na,
"Nalaman namin ang mahalagang katuturan ng sustenableng pag-unlad para sa Qinghai. Dahil labis na madaling masira ang kapaligirang ekolohikal ng mga lugar nito, kung pauunlarin ang kabuhayan nito, dapat ipauna ang pangangalaga at makatuwirang paggamit ng iba't ibang yaman at higit sa lahat, dapat pangalagaan ang kapaligirang ekolohikal. Hindi namin tinatanggap ang paglipat sa aming lalawigan ng mga atrasadong industriya at gayundin ng mga proyektong nakakapinsala sa kapaligirang ekolohikal."
|