• Hinggil sa CRI• Hinggil sa Serbisyo Filipino
More>>
China Radio International
Balita sa Tsina
Balita sa daigdig
Pulitika
Kabuhayan
Lipunan
Kultura
Isports
• Pakinggan ninyo ang pinakahuling programa natin

Tsinaistik

Lipunan

Tsina at ASEAN

Olimpiyada

Musika

Dear Seksiyong Filipino
(GMT+08:00) 2007-03-02 18:36:07    
CPPCC, napakahalaga para sa demokrasya ng Tsina

CRI

Naka-iskedyul na buksan bukas dito sa Beijing ang taunang sesyon ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino o CPPCC kung saan mahigit 2200 kagawad ang magtatalakayan hinggil sa mga mahalagang suliranin ng bansa.

Si Ginang Zhou Yuanmei ay 70 taong gulang na, pero, matipuno pa rin ang kanyang pangangatawan. Hanggang sa kasalukuyang taon, 20-taong singkad na lumalahok siya sa taunang sesyon ng CPPCC bilang kagawad nito. Sinabi niya sa mamamahayag na bilang isang siyentista sa IT industry, sa gaganaping sesyon, magpapahayag siya ng kanyang palagay at mungkahi hinggil sa mga sumusunod na isyu:

"Para sa aming sirkulong pansiyensiya't panteknolohiya, ang sariling inobasyon ay nakakatawag ng pinakamalaking pansin namin. Pinahahalagahan ko rin ang isyu ng minimum subsistence allowance at repormang medikal sa kanayunan."

Napag-alamang sa idaraos na ika-5 sesyong plenaryo ng ika-10 pambansang lupon ng CPPCC, magtatalakayan ang mga kalahok na kagawad, pangunahin na, hinggil sa mga isyu na tulad ng pagpapaunlad ng makabagong agrikultura, pagpigil at pagkontrol sa krisis na pinansyal, pagsasaayos sa pamilihan ng real estate, pagpapanatili ng pagkakapantay ng lipunan, pagbibigay-dagok sa katiwalian at pagpapalaganap ng tradisyonal na kulturang Tsino.

Bilang organong tagapayo sa pinakamataas na antas ng bansa, binubuo ang CPPCC ng mga kinatawan mula sa 34 na panig na kinabibilangan ng Partidong Komunista ng Tsina o CPC--naghaharing partido ng bansa, iba pang mga demokratikong partido, personaheng walang kinaaanibang partido, iba't ibang organisasyon ng mga mamamayan o people's organizations, pambansang minorya, iba't ibang saray ng lipunan, espesyal na rehiyong administratibo ng HongKong at Macao, kababayang Taywanes, mga balikbayan, mga espesyal na imbitadong personahe at iba pa. Bilang isang beteranong kagawad ng CPPCC, ipinaliwanag ni Ginang Zhou ang kanyang kaalaman hinggil sa kapulungang ito. Sinabi niya na:

"Ang sistemang pulitikal ng Tsina ay sistema ng pagtutulungang multi-partido at konsultasyong pulitikal sa ilalim ng pamumuno ng CPC. Iba ito kumpara sa mga bansang kanluranin at may katangiang Tsino ito. Ang pangunahing punksyon ng CPPCC ay pagsasangguniang pulitikal, superbisyong demokratiko at pakikilahok at pakikipagtalakayan sa mga suliranin ng bansa."

Ang paghaharap ng mga proposal hinggil sa mga suliranin ng bansa ay isang mahalagang tungkulin ng mga kagawad ng CPPCC. Napag-alamang nitong isang taong nakalipas sapul nang matapos ang sesyong plenaryo ng taong 2006, 4999 na proposal ang naiharap na ng mga kagawad ng CPPCC sa mga kinauukulang kagawaran ng bansa para hawakin. Mahalaga ang mga ito sa pagpapasulong ng koordinadong pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng bansa, paggawang siyentipiko at demokratiko ng mga pambansang patakaran at gayundin sa pagpapahupa ng mga kontradiksyon.

Bukod dito, nakikipagtalakayan, nagsusuperbisa at nagpapahayag sila ng mga palagay at mungkahi sa mga suliranin ng bansa sa pamamagitan ng pagpupulong, paglalakbay-suri at pananaliksik.

Kaugnay ng papel ng CPPCC, sinabi ni Zhang Feng, isang kinauukulang dalubhasang Tsino na:

"Nakakatulong ang CPPCC sa pagpapasulong ng sosyalistang demokrasya ng Tsina at nakakatulong din ito sa pagpapahayag ng iba't ibang bahagi ng lipunan ng kani-kaniyang kahilingan at nang sa gayon, mapag-ibayo ang harmonya ng lipunan."