Pagkaraan ng ilang taong pagsubok, ipinasiya ng Pamahalaang Tsino na simula sa kasalukuyang taon, ipasailalim ang buong kanayunan sa sistema ng minimum living allowance para maigarantiyang may sapat na pagkain at isinusuot na damit ang mga mahirap na magsasakang Tsino.
Nitong mahigit 10 taong nakalipas sapul nang simulan ng Tsina ang kinauukulang pilot project noong katapusan ng taong 1996, 25 sa 34 na administratibong dibisyon ng bansa ang inisyal na nakapagtatag ng sistema ng minimum living allowance at 15 milyong mahirap na magsasaka ang nakakatanggap ng panustos.
Si Wang Dianying, isang 48-taong-gulang na babae na taga-Xiabao, isang nayon sa Lunsod Benxi ng Lalawigang Liaoning sa dakong hilagang-silangan ng Tsina, ay isa sa mga beneficiary. Noong araw, nahihirapan ang kanyang pamilya dahil halos hindi nakakapaghanapbuhay ang kanyang asawa dahil pinahihirapan ito proliferative arthritis, pneumonectasis at iba pang sakit at bukod dito, may pinaaaral pa silang dalawang anak. Sa kasalukuyan naman, sinabi ni Gng. Wang na salamat sa buwanang 90 Yuan RMB o 11 dolyares na panustos, nakakatulong ito nang malaki pra maibsan ang kahirapan ng kanilang pamilya. Sinabi niya na:
"Noong araw, labis-labis ang dinaranas na hirap ng aming pamilya. Halos wala kaming perang pambili ng mantika, asin, toyo at mga katulad na pang-araw-araw na gamit. Salamat sa sustentong ito, kahit papaano nakakabili kami ng gamot para sa mister ko."
Upang buong-husay na maipairal ang sistemang ito, maraming isinasagawa ang mga pamahalaang lokal. Halimbawa, bumisita sila sa bawat pamilya sa lokalidad para alamin ang tunay na kalagayan ng mga residenteng lokal at nang sa gayon, matiyak kung sinu-sino ang dapat bigyan ng panustos. Bukod dito, upang maigarantiya ang napapanahong pagtanggap ng panggastos ang mahihirap na magsasaka, nagbukas ang mga pamahalaang lokal ng bank account para sa kanila.
Si He Donghua, taga-Huashan ng Lalawigang Jiangxi sa gitnang dako ng Tsina, ay isa pa ring beneficiary. Sinabi niya na kahit hindi malaki ang halaga ng panustos, ipinakikita naman nito ang malasakit ng pamahalaan sa mga mahirap na magsasaka.
SUNDAN sa ika-9 ng Abril
|