|
Kayo ay nasa Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina. Ito si Ramon Jr. at welcome sa programang Alam Ba Ninyo.
Medyo mag-e-exercise tayo ngayong gabi. Susubukin nating panikin ang dalawang bundok sa Lalawigang Anhui dito sa Tsina--ang Huangshan at Jiuhua.
Tulad din naman ng Limang Dakilang Bundok ng Tsina, ang Huangshan at Jiuhua ay unti-unti na ring nagiging popular na atraksiyon sa mga dayuhang turista sa bansa.
Ang Huangshan na tinaguriang "bundok ng kagandahan" o "mountain of beauty" ay nasa pagitan ng Taiping at Shexian counties ng Lalawigang Anhui. Sabi ng mga tour guide na nakausap ko, ito ay isa sa mga bantog na bundok sa Tsina--at marahil pa nga sa buong mundo.
May sukat na 250 kilometro ang palibot, ito ay binubuo ng 72 taluktok na ang pinakamataas ay ang Lotus Flower Peak na may taas na 1,800 metro. Ito ay parang pinagsama-samang iba't ibang matanawing kabundukan--kasingtayog ng Bundok Taishan, kasingtarik ng Bundok Huashan at kasingkaakit-akit ng Bundok Emei. Maari rin itong mabalot ng ulap na tulad ng Bundok Henshan at mayroong bukal sa gilid ng dalisdis na tulad ng Bundok Lushan.
Isang bantog na geographer ng Ming Dynasty ang nagbigay ng malaking papuri sa Huangshan sa pagsasabing: "Hindi na kailangang Makita pa ang ibang bundok kung nakarating ka na ng Limang Dakilang Bundok; at hindi na kailangang makita ang Limang Dakilang Bundok kung nakarating ka na ng Huangshan.
May sinasabing apat na kababalaghan ng Huangshan. Ang mga ito ay ang may kahali-halinang hugis na mga puno ng pino o pine trees, ang malalaking batong may kakaibang hubog, ang makakapal na ulap at dagim at ang mainit na bukal. Ang ikinaganda pa ng nabanggit na mga puno ng pino ay ang kanilang ugat ay nakakapit doon mismo sa mga siwang ng malalaking bato. Iyong popular na Welcoming Guests Pine ang kumakatawan sa matitibay na punong ito. Ang temperatura naman ng tubig-bukal ay 42 digris sentigrado sa buong taon. Malinaw at manamis-namis ang tubig at maaring mainom at gamiting panluto.
Kung pupunta kayo ng Huangshan, huwag ninyong kaliligtaang bisitahin ang North Sea, West Sea, Celestial Capital Peak, Jade Screen Tower at Cloud Valley Temple na ilan lamang sa pinakamagagandang tanawin sa Huangshan. Ang Cool Terrace naman ang pinakamagandang lugar para pagmasdan ang paglubog ng araw at ang ulap.
Iwan muna natin itong Huangshan at dumako tayo sa Jiuhua na matatagpuan sa Qingyang County ng Anhui. Kumpara sa Huangshan, mas maraming taluktok ang bundok na ito, 99 lahat-lahat na ang pinakakahanga-hanga ay ang Heavenly Terrace Lotus Flower, Sky Pillar at Ten Kings. Ang paligid ng bundok ay tagong lugar. Isang tahimik na landscape ng ilog, mga puno ng pino at kawayan, kuweba, matatarik na bato at talon. Ang konstruksiyon ng mga templo sa bundok ay sinimulan noong panahon ng Dinastiyang Tang at nakumpleto sa mga panahon ng Dinastiyang Ming at Qing. Dahil sa ang mahigit 300 templo sa bundok ay nababalot ng makapal na usok ng insenso, ang bundok ay nakilala sa katawagang "land of Buddhas and incense". 78 templo pa ang nananatili hanggang sa ngayon at ang nakaupong iskeleton ng mongheng si Wu Xia ay napapangalagaang mabuti sa bundok. Si Wu ay nanirahan sa kuweba at nabuhay sa pamamagitan ng pagkain ng mga ligaw na prutas at pag-inom ng tubig mula sa bukal. Nagpatuloy siyang ganito hanggang sa bawian siya ng buhay sa gulang na 126.
Ang kariktan ng Huangshan ay nakaakit ng mga tanyag na manlalakbay na kinabibilangan ng mga makata, manunulat at pintor mula sa iba't ibang dinastiya at ang mga turista ay patuloy na dumadagsa sa maalamat na bundok na ito sa buong taon.
Kung paanong ipinagmamalaki ng Lalawigang Anhui ang Huangshan, ganoon din naman ang pagmamalaki nito sa Jiuhua.
Para sa mga hotel na matutuluyan, inirerekomenda namin ang mga sumusunod:
Sa Huangshan: Huangshan Hotel, North Sea Hotel, Taoyuan Hotel at Yupinglou Hotel.
Sa Jiuhua: Dongyan Hotel.
Para sa mga karagdagang impormasyon, makipag-alam sa China International Travel Service na may punungtanggapan sa no. 6 East Chang'An St. Beijing.
Meron pa tayong nalalabing oras. Bigyang-daan natin ang liham ni Rachel Truitt ng Germany.
Dear Kuya Ramon,
Kumusta na kayong lahat diyan? Alam mo, natutuwa ang jowa ko sa Iyo. Kasi naririnig niya ang boses mo on-line at kung minsan sa SW. DX-er din siya mula pa noong una ko siyang makilala.Very friendly ka raw on and off the air. Itinatago niya ang mga sulat mo at idinidispley sa harap ng mesa ang mga souvenir item. Pag may bisita siya, ipinagmamalaki niya ang presents mo. Sinasabi niya na galing sa kaniyang kaibigang Pilipinong brodkaster ng China Radio Int't. Nagpadala rin siya ng sagot sagot sa inyong contest (Sichuan-panda). Sana natanggap na ninyo.
Gandang-ganda kami sa inyong presentation lalo na iyong mga gawa mo kung Fridays at weekends. Ang husay mong pumili ng mga sulat at ang gaganda ng music selections mo sa Gabi ng Musika. Sabi ni jowa very professional ka raw.
Sana hindi ka magbago sa iyong mga listeners. Rest assured na we are always here for you.
Rachel Truitt Remaggen, Germany
Thank you sa iyong liham, Rachel. Napamahal na ako sa inyong lahat na mga tagapakinig.Mahirap na ako sigurong magbago. Thank you uli at regards sa jowa mo...
Hanggang diyan na lang ang oras natin para sa gabing ito. Maraming salamat sa inyong pakikinig. Itong muli si Ramon Jr. na nagpapaalam at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.
|