|
Karaniwan nang kapag nababanggit ang Rehiyong Autonomo ng Uygur ng Xinjiang na matatagpuan sa dakong hilagang kanluran ng Tsina, ang kaagad na papasok sa inyong isip ay mga etnikong grupo at kanilang katangi-tanging musika. Pero ngayon, isasalaysay ko sa inyo ang Kuche, isang pamana ng matandang lunsod na may mahabang kasaysayan.

Ang Kuche sa wikang Uygur ay nangangahulugan ng mahabang kasaysayan. Noong unang panahon Qiuci ang tawag dito. Ang Kuche na nasa dakong gitna ng katimugang paanan ng Bundok Tian at hilagang hanggahan ng Tarim Basin ay siyang pinanggalingan ng kultura ng Qiuci. Ang Qiuci ay kilala sa daigdig bilang lupang tinubuan ng musika ng mga Rehiyong Kanluranin, mga awit at sayaw.

Si Ginoong Ma Xingtian ay isang turista mula sa interyor ng Tsina. Ito ang kanyang kauna-unahang paglalakbay dito. Sinabi niya na,
"Napakaganda ng Xinjiang. Magkakaiba ang tanawin ng Kuche at iba pang lugar ng Xinjiang. Nakapagbibigay ito ng inspirasyon sa amin. Napakakatangi-tangi rin ng tanawin dito at tuwang-tuwa akong bumisita dito."
Ang Kuche ay nasa gitnang dako ng sinaunang Silk Road ng Tsina, at ito rin ang lupain na kung saan nagsasama ang mga kultura ng Sentral na Kapatagan at Mga Rehiyong Kanluranin. Matatagpuan ninyo dito ang Budismong may 2 libong taong kasaysayan, ang frescoes sa mga groto na may pinakamalaking saklaw at bilang sa dakong kanluran ng Dunhuang at ang mga musika, awit at sayaw ng Qiuci.

Ang Kuche ay isa sa apat na pinakamalaking county at lunsod na panturista ng Xinjiang. Mahigit 80 pamana ng relikyang pangkultura na gaya ng mga groto, lumang lunsod at beacon tower, mahigit 500 kuweba at 20 libong metro-kuwadradong frescoes ang sumasaklaw sa lupaing ito.
|