• Hinggil sa CRI• Hinggil sa Serbisyo Filipino
More>>
China Radio International
Balita sa Tsina
Balita sa daigdig
Pulitika
Kabuhayan
Lipunan
Kultura
Isports
• Pakinggan ninyo ang pinakahuling programa natin

Tsinaistik

Lipunan

Tsina at ASEAN

Olimpiyada

Musika

Dear Seksiyong Filipino
(GMT+08:00) 2007-09-14 19:00:41    
Kalakalang Sino-Asean sa 2008, may pag-asang lumampas sa 200 bilyong dolyares

CRI

Ipinahayag ngayong araw ng isang opisyal Tsino na sa taong 2008, ang kalakalang Sino-Asean ay may pag-asang lumampas sa 200 bilyong dolyares na dalawang taong mas maagang maisakatuparan ang itinakdang pakay kaysa sa iskedyul.

Winika ito ni Gao Hucheng, Pangalawang Ministro ng Komersyo ng Tsina sa isang kinauukulang preskon. Aniya pa, ibayo pang magbubukas sa mga bansang Asean ang pamilihang Tsino at patuloy na ibababa ang taripa ng mga inaangkat na produkto mula sa Asean at nang sa gayon, sa taong 2010, mahigit 7000 uri ng mga inaangkat na produkto mula sa Asean ang mabibigyan ng serong taripa. Sinabi pa ni Gao na:

"Sa kasalukuyan, ang Tsina at Asean ay ika-4 na pinakamalaking trade partner ng magkabilang panig. Sa taong ito, may pag-asang umabot sa 190 bilyong dolyares ang kalakalang Sino-Asean at sa taong 2008 naman, may pag-asang lumampas sa 200 bilyong dolyares."

Napag-alamang kabilang sa mga pangunahing iniluluwas na produkto ng Tsina sa Asean ay ang bapor, kasuotan, produktong seramiko at gulay samantalang ang mga pangunahing panindang inaangkat ng Tsina mula sa mga bansang Asean ay kinabibilangan ng produktong tanso, produktong goma at mga prutas. Sinimulan nang pairalin ng magkabilang panig ang Kasunduan sa Kalakalan sa Paninda kaugnay ng pagtatatag ng China-Asean Free Trade Area o CAFTA, noong taong 2005. Sapul noon hanggang sa kasalukuyan, umabot lamang sa 5.8% ang karaniwang tariff rate ng mga inaangkat na produkto ng Tsina mula sa mga bansang Asean at may kababaan din ang tariff rate ng mga inaangkat na paninda ng mga bansang Asean mula sa Tsina. Sa taong 2010, mahigit 7000 inaangkat na paninda ng Tsina mula sa mga bansang Asean ang magtatamasa ng serong taripa at ang bilang na ito ay katumbas ng 93% ng mga kasalukuyang inaangkat na produkto ng Tsina mula sa Asean.

Dalawang buwan na ang nakararaan, sinimulan nang pairalin ng Tsina't Asean ang Kasunduan sa Kalakalan sa Serbisyo. Batay rito, ibayo pang magbubukas ang magkabilang panig ng kanilang pamilihan ng serbisyo sa isa't isa. Kaugnay nito, sinabi ni Gao na:

"Ibayo pang magbubukas ang Tsina sa mga bansang Asean ng mga pamilihan nito sa limang larangan na kinabibilangan ng konstruksyon, pangangalaga sa kapaligiran, transportasyon, palakasan. Samantala, nangako naman ang 10 bansang Asean na ibayo pang magbubukas ng kanilang pamilihan sa 12 larangan na tulad ng pinansya, serbisyong medikal, turismo at transportasyon."

Sa nasabing preskon, ipinaalam din ng opisyal mula sa Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, lalawigang pinagdarausan ng taunang China-Asean Expo o CAEXPO, ang hinggil sa ika-4 na CAEXPO na gaganapin sa katapusan ng susunod na Oktubre. Napag-alamang lalampas sa 1000 ang bilang ng exhibition booth ng mga lalahok na bahay-kalakal mula sa Asean na katumbas ng 1/3 ng kabuuang bilang. Mahigit 1500 bahay-kalakal na Tsino ang nagpatalang lumahok sa gaganaping ekspo at ang kanilang negosyo ay may kinalaman sa engineering machinery, makinarya ng pagpoproseso at pagbabalot ng pagkain, power equipment, materyal sa konstruksyon at iba pa.

Isinalaysay ni Li Jinzao, Pangalawang Puno ng Guangxi, na ang pagtutulungan ng daungan ay itatampok sa gaganaping CAEXPO. Sinabi niya na:

"Ang tema ng gaganaping ika-4 na CAEXPO ay pagtutulungan ng mga pantalan. Nasa magkasamang pagtataguyod ng Guangxi at Ministri ng Komunikasyon, idaraos ang Porum ng Pagpapaunlad at Pagtutulungan ng mga Daungan ng Tsina't Asean na lalahukan ng mga kinauukulang opisyal ng Tsina't 10 bansang Asean at gayundin ng mga mangangalalakal."