Inilipat noong Sabado sa panig Pilipino ang 29 na mangingisdang Pilipino na iniligtas ng panig Tsino mula sa isang bapor pangisda na lumubog noong Huwebes sa rehiyong pandagat na malapit sa Nansha Islands ng Tsina. Ang naturang bapor ay lumubog dahil sa mataas na daluyong na dulot ng bagyong Hagibis. Sa kasalukuyan, patuloy sa pagtulong ang panig Tsino sa pagliligtas ng iba pang mahigit 20 nawawalang mangingisdang Pilipino ng bapor na ito.
Nakipagtagpo noong Lunes sa Beijing sina Liu Qi, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral at Kalihim ng Lupong Panlunsod ng Beijing ng Partido Komunista ng Tsina at Wang Jiarui, Ministro ng International Department ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, kay Le Thanh Hai, kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Biyetnam at party secretary ng Ho Chi Minh City. Sinabi ni Liu na nananatiling mabuti ang pagpapalitan at pagtutulungan ng mga partido ng dalawang bansa nitong mga nakalipas na panahon. Nananalig anya siya na ang pagdalaw na ito ay magpapasulong ng pagpapalitan ng dalawang panig ng teorya at karanasan sa pangangasiwa sa bansa at partido at ng pangmatagalan, matatag at malusog na pag-unlad ng mainam na relasyong pangkaibigan at pangkapitbansa at komprehensibong kooperasyon ng dalawang bansa. Binigyan ni Wang ng positibong pagtasa ang bunga ng reporma ng Biyetnam. Ipinahayag niyang sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan sa labas at loob ng bansa, lubos na kinakailangan ang pagpapasulong ng dalawang bansa ng pagpapalitan. Sinabi naman ni Le na hihiramin ng Biyetnam sa usapin ng reporma nito ang mahalagang bungang may inobasyon ng ika-17 Pambansang Kongreso ng CPC hinggil sa teorya ng sosyalismong may katangiang Tsino. Nakahanda anya ang Biyetnam na magsikap, kasama ng Tsina, para aktuwal na maipatupad ang patakarang inihain ng mga lider ng dalawang bansa hinggil sa "pangmatagalang katatagan, pagharap sa hinaharap, mainam na relasyong pangkaibigan at pangkapitbansa at komprehensibong kooperasyon".
Idinaos noong Lunes sa Beijing ang Simposyum ng Tsina at ASEAN sa pangangalaga sa kapayapaan. Dumalo sa simposyum ang mahigit 100 kinatawan ng mga kasaping bansa ng UN at ASEAN at ng Tsina. Ang pangunahing layunin ng simposyum na ito ay talakayin ang hinggil sa kung papaanong mapapasulong ang pagtutulungan at pagpapalitan ng Tsina at mga kasaping bansa ng ASEAN sa larangang pamayapa ng UN sa bagong kalagayan para magkakasamang mapasulong ang usaping pamayapa ng UN.
Sinimulan noong Biyernes sa Kunming, punong lunsod ng Lalawigang Yunnan ng Tsina ang konstruksyon ng puwertong pangkalakalan at komersyal ng Tsina't ASEAN, at lumampas sa 8.6 na bilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng ilalaang pondo. Ayon sa salaysay, ang pandaigdigang kalakalan ng pagtatanghal at lohistiko ay magiging pangunahing serbisyo ng puwertong ito, at idedebelop ang puwertong ito upang maging itong base ng kalakalan at lohistiko ng mga mahalagang industrial consumer products at produktong agrikultural ng Lalawigang Yunnan, maging ng buong bansa, tungo sa pamilihang ASEAN.
Pormal na naisaoperasyon noong isang linggo ng gabi ang regular flight sa pagitan ng Wuhan, lunsod ng lalawigang Hubei sa gitnang Tsina at Ho Chi Minh City ng Biyetnam. Ito ang kauna-unahang ganitong linya mula Wuhan patungong rehiyon ng Timog Silangang Asya.
Opisyal na nilagdaan noong Martes sa Naypyitaw, punong lunsod ng Myanmar ng Tsina at Myanmar ang plano ng pagtatanim ng kahalili ng poppies sa loob ng balangkas ng kasunduang pangkooperasyon ng pagbabawal sa droga ng dalawang bansa. Sa seremonya ng paglalagda, sinabi ni Guan Mu, embahador ng Tsina sa Myanmar na nakahanda ang pamahalaang Tsino na ibayo pang palakasin ang kooperasyon nila ng pamahalaan ng Myanmar sa pagtatanim ng kahalili ng poppies at kaunlarang panrehiyon para lubusang malutas ang isyu ng pagtatanim ng poppies na nakakapinsala sa dalawang bansa. Pinasalamatan naman ng panig ng Myanmar ang palagiang tulong na ibinibigay ng pamahalaang Tsino sa mga gawain ng pagbabawal sa droga at kaunlarang panrehiyon ng Myanmar.
|