|
"SANA NGAYONG 2008 MATUTO NA TAYONG MAGPATAWARAN PARA NAMAN MAKAMIT NATIN ANG NATIONAL AT INTERNATIONAL RECONCILIATION. MATUTO RIN SANA TAYONG MAGPASALAMAT SA MGA GRASYANG ATING NATANGGAP NITONG 2007 AT MAPAG-ISIPAN NATIN ANG PAGTUTUWID NG ATING PAGKAKAMALI AT PAGBABAGO NG ATING HINDI MAGANDANG PAG-UUGALI. HAPPY NEW YEAR SA CRI FILIPINO SERVICE!"
Magandang-magandang gabi at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat! Ito si Ramon Jr. para sa espesyal na programang "Sana sa Taong 2008" ng Serbisyo Filipino ng CRI.
Tuwing magtatapos ang taon, nakagawian na nating mga Pilipino na maghangad o mag-wish para sa papasok na taon. Hinahangad natin na sana makamtan na ang mga bagay na matagal na nating inaasam-asam, maganap ang ganito at ganoong pangyayari, at matupad ang ating pinapangarap.
Ngayong gabi, bilang pagsalubong sa 2008, bibigyang-daan namin sa programang ito ang inyong mga "Sana sa Bagong Taon." Ito ay bilang pagpapahalaga at pagkilala na rin sa inyong ambag sa aming pagsasahimpapawid.
Sabi ni Butch Salas, record clerck sa isang government office, sana raw magkaroon pa kami ng mga bagongprograma at mga bagong pakulo at madagdagan pa ang bilang ng aming mga tagapakinig. Sabi pa niya, malaki raw ang naiambag namin sa pagtataguyod ng samahang Sino-Pilipino.
Katahimikan. Tama, katahimikan naman ang hangad sa papasok na taon. Sabi niya, kahit na raw mahirap ang buhay kung panatag naman ang kapaligiran, makakatulog pa rin tayo nang mahimbing. Isa pa, aniya, kung walang kaguluhan sa paligid, mas madali para sa mga umuunlad na bansa na isulong ang kanilang pambansang kabuhaya.
Hangad naman na tumatag pa ang pag-uugnayan ng Pilipinas at China sa 2008. Sana raw madagdagan pa ang dami ng kanilang exchanges at cooperations. Malaki aniya ang nakukuha nilang pakinabang sa kanilang mga pagpapalitan at pagtutulungan at ang mga ito ay nagsisilbing halimbawa na magandang sundan ng iba.
Teka lang, narito na naman si super DJ Happy para sa kaniyang sariling wish sa Bagong Taon. Sabi niya sana raw matuloy ang lahat ng plano ng Beijing para sa Summer Olympics at nang masaksihan naman ng buong mundo ang tunay na "green and clean Olympics" at tunay na "Olimpiks ng bayan."
Sa ating pagpapatuloy, tunghayan naman natin ang mga "Sana sa 2008" ng ating masisipag na textmates.
Mula sa Beijing, sabi ng 0086 138 1140 9630: "Isang masayang bati sa 2008! Sana mas lalo pang sumikat ang inyong istasyon sa taong darating at malamangan ninyo ang mga kalabang istasyon!"
Mula naman sa Germany, sabi ng 0049 242 188 210: "Sana madagdagan pa participation ng China sa global peace-keeping sa 2008. Malaking tulong ang Chinese forces sa pagpapabalik ng katahimikan sa magugulong lugar!"
At mula naman sa Pilipinas, sabi ng 919 648 1939: "Sana sa 2008, makadiskubre pa ang China ng mga bagong paraan ng pagpaparami ng aning palay!"
Ngayon, tingnan naman natin ang mga "sana sa 2008" ng ating email senders.
Sabi ni Manuela Bornhauser ng Gachnang, Switzerland: "Kuya Mon, sana sa 2008, ma-maintain ng Pilipinas ang kasalukuyang growth rate nito at sana hindi magsawa ang China sa pagsi-share ng technological achievements sa mga bansang nagsisikap na umunlad. Ngayon, dito sa amin, hindi ka na kailangang magpunta sa Asian shops para makabili ng Chinese products. Marami ka nang mabibili sa maliliit at malalaking shop sa downtown."
Sabi naman ni Lagrimas Ramos ng New Territories, Hong Kong: "Ang dasal ko ay matuloy na sa 2008 ang cooperation ng Philippines at China sa cyber education. Marami nang gumagamit ng ganitong paraan at lahat sila ay makapagsasabi na ito ay very effective. Happy New Year!"
Sabi naman ni M. J. Foster ng Denmark: "Kuya Mon, Happy New Year sa inyong lahat! Good idea ang talent exchanges ng Philippines at China at mas lalong maganda kung masasakop nito ang field of motion picture. Sana mag-materialize ito sa year 2008!"
Alam niyo, sa totoo lang, napakarami naming natanggap na voice mails, emails at SMS mula December 16 hanggang ngayon, pero hindi sapat ang oras ng programang ito para mabigyang-daan ang lahat ng mga ito. Gayunman, ipinapangako ko naman na bibigyang-daan ko ang mga mensaheng ito sa mga susunod na episodes ng Gabi ng Musika.
Sa ngalan ng mga kasama ko sa Serbisyo Filipino, inuulit ko ang aking taos-pusong pasasalamat sa walang-sawang pagsubaybay ninyo sa aming mga programa nitong nagdaang isang taon at sa mga nauna pang taon. God Love You All!
Itong muli si Ramon Jr. Maraming salamat sa inyong pakikinig at Manigong Bagong Taon!
|