|
Nakaiskedyul na buksan bukas ang taunang sesyong plenaryo ng Pambansang Kongresong Bayan o NPC ng Tsina.
Kaugnay ng paghahanda para sa gaganaping sesyon, sinabi ngayong araw dito sa Beijing ni G. Jiang Enzhu, Tagapagsalita ng idaraos na sesyon, na:
"Nakaiskedyul na buksan bukas ng umaga ang sesyong plenaryo ng NPC at tatagal ito ng 13 at kalahating araw. Maayos na ang paghahanda para rito."
Bilang punong lehislatura ng Tsina, ang mga tungkulin ng NPC ay may kinalaman sa pagsususog ng Konstitusyon at pagsusuperbisa sa pagpapatupad sa Konstitusyon, pagbalangkas at pagrerebisa sa mga batas; pagsusuperbisa sa mga gawain ng kataas-taasang hukumang bayan at kataas-taasang prokuraturang bayan, paggawa ng kapasiyahan hinggil sa mahahalagang pambansang isyu, paghahalal ng mga lider ng bansa at iba pa. Sa panahong walang pulong ang NPC, ang Pirmihang Lupon nito ay nagsasagawa ng pinakamataas na kapangyarihang pang-estado. Ang mga kinatawan ng NPC na may limang taong termino ay isinisilang sa pamamagitan ng demokratikong halalan at nanggagaling sila sa iba't ibang saray. Nitong limang taong nakalipas, paano nagsagawa, sa ngalan ng sambayanan, ang mga kinatawan ng NPC ng pinakamataas na kapangyarihang pang-estado? Pakinggan natin ang salaysay rito ni G. Jiang.
"Nitong limang taong nakalipas, mahigit 3700 proposal at 30 libong mungkahi ang isinumite ng mga kinatawan ng NPC at marami sa mga ito ay naging batas o ginawang batayan sa pagsususog sa mga batas. Mahigit 660 kinatawan ang lumahok sa mga pulong ng Pirmihang Lupon ng NPC bilang nonvoting delegate at mahigit 1700 kinatawan ang nakilahok sa mga aktibidad ng pagpapatupad sa batas o pagsusuri hinggil sa pagbalangkas ng mga batas."
Tungkol naman sa mga paksa ng gaganaping taunang sesyon, ganito ang inilahad ni G. Jiang.
"Sa gaganaping sesyon, susuriin ng mga kinatawan ang work report ng pamahalaan, plano ng pagrereestruktura ng Konseho ng Estado, Gabinete ng bansa, ihahalal ang pangulo ng bansa at ipapasiya ang kandidato sa pagkapremyer at sa pagkapangalawang premyer ng Konseho ng Estado at iba pa."
Bukod dito, susuriin at pagtitibayin din ng mga kinatawan ang pambansang plano ng pagpapaunlad ng kabuhayan at lipunan at gayundin ang mga budget ng pamahalaang sentral at mga pamahalaang lokal.
Bilang tugon sa gagawing pagrereestruktura ng Konseho ng Estado, sinabi ng tagapagsalitang Tsino na sa pamamagitan ng reporma, ang sistema ng pangangasiwang administratibo ay higit pang buong-husay na makakatugon sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan sa bagong panahon.
Ang taunang sesyong plenaryo ng NPC ay nakakatawag ng pansin sa loob at labas ng Tsina. Ngayong taon, humigit-kumulang 1000 mamamahayag na dayuhan ng 225 media mula sa mahigit 40 bansa ang rehistradong mag-kober sa gaganaping sesyon. Kaugnay nito, sinabi ni Anthony Kuhn, punong mamamahayag mula sa National Public Radio ng Estados Unidos na:
"Bukas sa mga mamamahayag na dayuhan ang mga diskusyon ng iba't ibang grupo ng mga kinatawan ng NPC at parami nang paraming pulong ang nagbubukas sa amin. Nakakalikha ito ng magandang pagkakataon para sa amin sa pakikipagpalitan sa mga kinatawan mula sa iba't ibang saray."
|