|
Tulad ng alam ninyo, kasalukuyang idinaraos sa Beijing ang taunang sesyong plenaryo ng Pambansang Kongresong Bayan o NPC ng Tsina na kung saan sang-ayon ang mga kalahok na kinatawan at mga may kinalamang kagawaran ng pamahalaan na dapat palalimin pa ng Pamahalaang Tsino ang makro-kontrol para mapasulong ang koordinadong pag-unlad ng bansa.
Nitong limang taong nakalipas, lumampas sa 10% ang karaniwang taunang paglaki ng GDP ng Tsina at kasabay nito, malaking tumataas ang kita ng mga mamamayan. Sa katunayan, nakapagtatamasa ang mga Tsino ng biyayang dulot ng pambansang kaunlaran. Kaugnay nito, ganito ang sinabi ni Zuo Wanjun, magsasakang kinatawan mula sa Lalawigang Sichuan sa timog-kanluran ng bansa.
"Para sa mga magsasaka, ang pinakamahalagang isinagawang patakaran ng Pamahalaang Tsino ang kanselasyon sa buwis sa pagsasaka. Salamat sa patakarang ito, nakapagpapaaral ng mga anak ang mga mahirap na pamilya at tumataas din ang aming kita."
Ang pagbuti ng pamumuhay ng mga mamamayan ay utang sa pagbabago ng Pamahalaang Tsino ng pamamaraan ng pagpapaunlad ng kabuhayan. Pagkaraang maganap ang krisis na pinansyal sa Asya noong taong 1997, nagsagawa ang Pamahalaang Tsino ng proaktibong patakarang piskal at matatag na patakaran sa pananalapi para maigarantiya ang matatag at may kabilisang pag-unlad ng pambansang kabuhayan. Noong taong 2003 naman, bilang tugon sa labis na mabilis na pamumuhunan sa ilang larangan, labis na malaking trade surplus at iba pa, sinimulang palalimin ng pamahalaan ang makro-kontrol. Kaugnay nito, ganito ang sinabi ni Liu Shucheng, kalahok na kinatawan ng NPC at dalubhasa mula sa Chinese Academy of Social Sciences.
"Ang layunin ng Pamahalaang Tsino ay para mabago ang pamamaraan ng pagpapaunlad ng kabuhayan, mapabuti ang estruktura ng industriya, mapataas ang episyensiya ng pag-unlad ng kabuhayan at nang sa gayon, mapanatili ang matatag at may kabilisang pag-unlad ng pambansang kabuhayan."
Pero, sa kabila ng nasabing mga hakbangin, mayroon pa ring mga problema sa operasyon ng kabuhayan ng Tsina na gaya ng pagtaas ng presyo. Kaugnay ng mga isasagawang katugong hakbangin, ganito ang inilahad ni G. Ma Kai, Puno ng National Development and Reform Commission.
"Magdaragdag kami ng suplay ng produktong pang-agrikultura at suplay ng pang-araw-araw na gamit. Kasabay nito, kokontrolin namin ang labis na mabilils na paglaki ng pamumuhunan at ang pagpapautang."
Mananatili pang pinakapriyoridad ng Pamahalaang Tsino ang pagpapabuti ng pamumuhay ng madla. Kaugnay nito, sinabi ni Xie Xuren, Ministro ng Pinansiya, na:
"Kaugnay ng budget para sa kasalukuyang taon, ipinauuna namin ang mga larangang may kinalaman sa magsasaka, agrikultura at kanayunan, edukasyon, serbisyong medikal, social security at iba pa."
Tungkol dito, sinabi ni G. Zhong Nanshan, kalahok na kinatawan at kilalang manggagamot na:
"Sa tingin ko, buong-liwanag at konkreto ang mga isasagawang hakbangin ng Pamahalaang Tsino para malutas ang mga isyung may mahigpit na kaugnayan sa pamumuhay ng karaniwang mamamayang Tsino. Lipos ako ng pananalig sa hinaharap ng bansa."
|