|
Tulad ng alam ninyo, kasalukuyang idinaraos sa Beijing ang taunang sesyong plenaryo ng Pambansang Kongresong Bayan o NPC ng Tsina. Maraming paksa sa sesyong ito ay nakatawag ng pansin ng madla at ang pagbibigay-dagok sa katiwalian ay isa sa mga ito.
Ano naman ang palagay ng madla hinggil sa isyu ng pakikibaka laban sa korupsyon? Pakinggan natin ang boses ng isa sa mga karaniwang mamamayang Tsino na si G. Li Wenxing.
"Napakalaki ng kapinsalaang dulot ng katiwalian at direktang nakakapinsala ito sa mga saligang interes ng mga mamamayan at nagdudulot din ito ng negatibong epekto sa imahe ng pamahalaan. Bilang karaniwang mamamayan, labis na nasusuklam kami rito."
Narito naman ang boses ni Dengchuan, punong prokurador ng Lalawigang Sichuan at kalahok na kinatawan ng NPC.
"Kung hindi masusugpo ang katiwalian, makakaapekto ito sa kaunlarang pangkabuhayan at gayundin sa harmonya ng lipunan. Sinumang may kagagawan sa katiwalian ay dapat kasuhan at buong-bigat na parusahan. "
Bilang tugon sa nasabing mga kahilingan ng mga mamamayan, sa ngalan ng Pamahalaang Tsino, muling ipinahayag ni G. He Guoqiang, pirmihang kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina o CPC, naghaharing partido ng bansa, at Puno ng Central Commission for Discipline Inspection ng CPC, ang kanyang determinasyon sa pakikibaka laban sa kabulukan. Sinabi niya na:
"Sa kasalukuyan, madalas na lumilitaw sa Tsina ang penomina ng katiwalian, kaya, dapat kaming buong-higpit na manangan pa sa pagbibigay-dagok dito. Hinding hindi namin dapat kaawaan ang mga tiwali at dapat silang lapatan ng buong-bigat na kaparusahan. Ngayong taon, tulad ng dati, patuloy na iimbestigahan namin ang mga kaso ng katiwalian at balangkasin ang regulasyong may kinalaman sa pagbaka sa kabulukan at pagtataguyod ng malinis na pangangasiwa para buong husay na mapigilan ang katiwalian at maparusahan ang mga tiwali."
Tulad ng nabanggit ni G. He, kumpara sa pagbibigay-dagok at paglalapat ng kaparusahan sa mga tiwali, ang mas mahalaga ay pagpigil ng kabulukan. Tungkol dito, nitong nagdaang Setyempre, nagsimulang magpatakbo ang Pamahalaang Tsino ng Pambansang Kawanihan ng Pagpigil sa Katiwalian o NBCP. Kaugnay ng layunin ng pagbuo ng kawanihang ito, ganito ang sinabi ni Ma Wen, puno ng nasabing kawanihan at Ministro ng Superbisyon ng Tsina.
"Nakakatulong ito sa pagsasaayos at pagpapasulong ng mga gawaing may kinalaman sa pagbaka sa katiwalian. Ito rin ay isa sa mga hakbangin ng pagtupad sa Kombensyon ng UN laban sa Kabulukan. "
Kaugnay ng isyung ito, sa work report ng Pamahalaang Tsino sa seremonya ng pagbubukas ng taunang sesyon ng NPC, ganito ang ipinangako ni Premyer Wen Jiabao.
"Sa hinaharap, pagtutuunan ng Pamahalaang Tsino ng higit pang malaking pansin ang paglaban sa katiwalian at pagtataguyod ng malinis na pamamahala."
|