Tulad ng alam ninyo, niyanig ng pambihirang napakatinding lindol na may lakas na 7.8 sa Richter Scale ang Wenchun County ng Lalawigang Sichuan.
Sa kasalukuyan, umaaksyon ang buong Tsina para sa mga gawaing panaklolo.
Bilang isang mamamahayag at isa ring karaniwang mamamayang Tsino, buong higpit na sinusubaybayan ko ang pinakahuling kalagayan ng mga nasalantang lugar. Di-iilang beses na napaluha ako nang manood at marinig ang mga balita. Yumayanig at dumudugo ang aking puso sa naranasan ng mga biktima at kasabay nito, lipos ako ng pananalig na sa pagpupunyagi ng sambayanang Tsino, mapapahupa ang epektong dulot ng kalamidad.
Naaantig din ako sa mga nakuhang suporta ng Tsina mula sa iba't ibang panig ng daigdig, lalung lalo na iyong mga nagmumula sa Pilipinas.
Makibahagi tayo ngayon sa pinakahuling kalagayan ng mga gawaing panaklolo.
Ang epicenter ng naganap na lindol ay matatagpuan sa Wenchuan County, Sichuan. Kahit hindi pa rin nahahawan ang lansangan papuntang county na ito. Nakarating na sa Wenchuan ang ilang libong kawal, armadong pulis at iba pang mga tauhang panaklolo sa pamamagitan ng iba't ibang paraang panghimpapawid, bapor at paglalakad.
Kamakalawa ng hapon, ikalawang araw sapul nang yanigin ang Wenchuan County, nakarating doon ang unang grupong panaklolo. Kamakalawa ng gabi naman, 200 pang kawal ang nakarating din sa sentro ng Wenchuan pagkaraang lumakad ng mahigit 20 oras at kaugnay ng kalagayan doon, ganito ang inilahad ni Wang Yi, puno ng grupo.
"Sa pusod ng Wenchuan county, 1/3 ng mga bahay ang nawasak at ang iba naman ay malubhang nasira. Iyong mga nayon sa bundok ay napulbos. Dahil sa pagputol ng transportasyon, hindi pa nakakakuha kami ng bilang ng mga nawawala at nasugatan."
Sa kasalukuyan, ang hukbong panghimpapawid na Tsino ay naghuhulog araw-araw sa mga pinakagrabeng apektadong lugar ng mga materyal na panaklolo na tulad ng gamot, pagkain, inumin, tolda, kumot at kagamitan ng satellite telecommunication. Kasabay nito, naghahatid din ang hukbong Tsino ng mga nasugatan sa pamamagitan ng helikopter.
Nagsadya rin sa Wenchuan si Premyer Wen Jiabao, puno sa mga gawaing panaklolo na sakay ng helicopter. Sinabi niya na:
"Hindi nakakalimutan ng Pamahalaang Tsino ang Wenchuan, pusod ng lindol. Nagpupunyagi kami, sa abot ng makakaya, para mailigtas ang mga nasugatan at iyong mga nakabaon pa rin sa guho. Magpapadala kami ng higit pang maraming helicopter para maihatid ang mga nasugatan sa ospital. "
Sinabi naman Feng Zhenglin, pangalawang ministro ng transportasyon ng Tsina, na buong-sikap na naghahawan ng mga lansangang papuntang Wenchuan. Sinabi pa niya na:
"Sa kasalukuyan, buong-sikap na naghahawan kami ng mga lansangan patungo sa Wenchuan mula sa apat na direksyon. Pero, dahil ang pusod ng lindol ay matatagpuan sa mga bulubunduking lugar, labis na mabagal at mahirap ang aming gawain."
Hanggang diyan na lang ang aming ulat hinggil sa nilindol na Sichuan. Sana, magkakasamang manalangin tayo sa mga nabiktima.
|