Nandoon ngayon sa nilindol na lugar sa Lalawigang Sichuan ang aming reporter na si Jason at narito ang isang ulat na sinulat niya.
Kasabay ng pagpapatuloy ng paghahanap at pagliligtas sa mga mamamayang nalilibing sa guho sa nilindol na Lalawigang Sichuan, ipinipihit din ang pokus ng mga gawaing panaklolo sa pagpigil ng pagkalat ng salot at pagsasaayos ng mga nabiktima ng lindol.
Ang Hanwang County ng Lunsod ng Mianzhu na nasa kabilang ibayo lamang ng isang bundok ng Wenchuan county, pusod ng lindol o epicenter, ay napakagrabeng nawasak ng lindol. Ayon sa mamamahayag, 80% ng lahat ng bahay dito ang nawasak at malaki ang kasuwalti. Sa kasalukuyan, mayroong mga mamamayang nailipat na sa ibang lugar at ang iba pa naman ay nananatili sa Hanwang. Kasabay ng pagsasaayos ng pamumuhay ng mga natitirang mamamayan, nasimulan na rin ang isterilisasyon para mapigilan ang pagsiklab ng mga nakahahawang sakit. Kaugnay nito, ganito ang sinabi ni Xu Wenchun, isa sa mga opisyal ng Hanwang na nakaligtas sa lindol.
"Sa kasalukuyan, sa buong nasalantang lugar na kinabibilangan ng Hanwang County, ipinopokus namin ang pagsasaayos ng pamumuhay ng mga apektadong mamamayan at ang pagpigil sa pagganap ng mga salot."
Kasabay ng magkakasunod na pagdating ng mga propesyonal na tauhan, maayos na isinasagawa sa mga apektadong lugar ang mga gawain ng isterilisasyon, paghawak sa mga bangkay, sikoterapiya at pagpapalaganap ng karunungang pangkalusugan. Tungkol dito, ganito ang tinuran ni Zhou Daoxing, pangalawang direktor ng Sentro ng Pagpigil at Pagkontrol sa mga Sakit ng Lunsod ng Mianzhu.
"Ang lahat ng kawani ng aming sentro ay nakikilahok ngayon sa mga gawain ng pagpigil sa pagganap ng epidemya. Kabilang dito, 2 beses bawat araw, nag-iisterilisa kami sa mga purok-panirahan at mga pansamantalang klinika. Bukod dito, pinapalaganap din namin sa mga apektadong mamamayan ang hinggil sa mga karunungang pangkalusugan at maayos na hinahawakan din namin ang mga bangkay."
Kasabay nito, maayos din ang pagpapanumbalik ng produksyon at pagsasaka ng mga apektadong lugar. Gawin nating halimbawa ang isang ari ng estadong bahay-kalakal na gumagawa ng gas turbine sa Hanwang County. Napulbos ang bahay-kalakal na ito sa lindol at upang mapanumbalik ang produksyon sa lalong madaling panahon, marami itong isinasagawang paghahanda. Ganito ang inilahad ni Liu Zhiqian, isa sa mga namamahalang tauhan ng bahay-kalakal.
"Nasimulan na namin ang rekonstruksyon. Ginagawa namin ngayon ang lahat ng aming nagagawa."
Muling pumapasok din sa paaralan ang mga estudyante sa mga apektadong lugar. Sa isang paaralang elementarya sa Zundao County ng Lunsod ng Mianzhu, ganito ang isinalaysay ng puno nito na si Chen Zhaolu.
"Salamat sa muling pagtatayo ng aming paaralan, naglalatag ito ng plataporma ng pagpapalitan para sa mga estudyante kasi marami sa kanila ang nawawalan ng kapamilya. Bukod dito, nakakatulong din ito sa kanilang magulang na puspusang makilahok sa rekonstruksyon."
|