Sinabi kamakailan ng mga dalubhasang Tsino na ang idinulot na negatibong epekto ng naganap na lindol sa Sichuan ay limitado at pansamantala at hindi ito nakaapekto sa kabuuang operasyon ng pambansang kabuhayan ng Tsina.
Ang lindol na naganap sa Sichuan noong ika-12 ng buwang ito ang may pinakamalawak na pagyanig sa buong bansa sapul noong 1949 nang itatag ang Republika ng Bayan ng Tsina. Bukod sa Sichuan, naramdaman din ang yanig sa iba pang mga karatig na lalawigan at munisipalidad na gaya ng Shaanxi, Gansu, Chongqing, Yunnan at Guizhou. Hanggang alas-12 ngayong tanghali, 67,183 katao ang namatay sa lindol. Mahigit 14 na libong bahay-kalakal at ilampung libong hektaryang sakahan ang apektado. Ang direktang idinulot nitong kapinsalaang pangkabuhayan ay umaabot sa 67 bilyong Yuan RMB o halos 10 bilyong dolyares.
Gayunpaman, sinabi ni Yi Xianrong, dalubhasa mula sa Chinese Academy of Social Sciences, na bulubundukin at atrasado ang mga nilindol na lugar sa Sichuan, kaya, hindi gaano kalaki ang idinulot nitong negatibong epekto sa kabuuang kabuhayan ng Tsina. Sinabi pa niya na:
"Kahit malubha ang idinulot na kapinsalaan sa kabuhayang lokal ng naganap na lindol, hindi ito gaano kalaki pagdating sa proporsyon sa GDP ng Tsina."
Mahalaga ang ginagampanang papel ng Sichuan sa pambansang produksyong agrikultural. Halimbawa, ang output ng pagkaing-butil nito ay katumbas ng 6% ng pambansang produksyon at nagpoprodyus din ito ng 8% ng kabuuang butil na makukuhanan ng mantika. Tungkol dito, sinabi ni Wei Chao'an, pangalawang ministro ng agrikultura ng Tsina, na bulubundukin ang mga pangunahing nilindol na lugar na kung saan maliit ang produksyong agrikultural at bukod dito, sapat ang pambansang reserba ng pagkaing-butil at mantika. Sinabi pa niya na:
"Masasabing malaki ang idinulot na epekto sa agrikulturang lokal ng naganap na lindol, pero, mainam ang tunguhin ng pag-unlad ng agrikultura ng buong Tsina at sapat ang suplay ng mga pangunahing produktong agrikultural na gaya ng pagkaing-butil at karne. Lipos kami ng pananalig na mananatiling matatag sa kabuuan ang presyo ng mga produktong agrikultural ng bansa."
Sa kasalukuyan, abalang-abala ang mga nilindol na lugar sa rekonstruksyon at reabilitasyon. 70 bilyong Yuan RMB o 10 bilyong dolyares ang nailaan na ng Pamahalaang Sentral para rito. Kaugnay nito, ipinalalagay ng dalubhasang Tsino na salamat sa malaking ibinibigay na tulong pinansyal ng Pambansang Pamahalaan, inaasahang manunumbalik sa dating kalagayan bago naganap ang kalamidad ang transportasyon, impraestruktura at pabahay sa mga apektadong lugar sa malapit na hinaharap. Aniya, hindi makakaapekto ang nasabing laang-gugulin ng Pamahalaang Sentral sa paglaki ng GDP ng Tsina sa kasalukuyang taon at sa halip, posibleng magsisilbi itong mahalagang elementong magpapasulong ng pag-unlad ng pambansang kabuhayan. Sinabi pa niya na:
"Kasabay ng pagbuhos ng laang-gugulin sa mga apektadong lugar, tiyak na magpapasulong ito ng pag-unlad ng kabuhayang lokal. Ayon sa pagtaya, sa pamamagitan ng pagpapasulong ng rekonstruksyon, inaasahang tataas ng 2% hanggang 3% ang paglaki ng GDP ng Tsina sa kasalukuyang taon."
|