• Hinggil sa CRI• Hinggil sa Serbisyo Filipino
More>>
China Radio International
Balita sa Tsina
Balita sa daigdig
Pulitika
Kabuhayan
Lipunan
Kultura
Isports
• Pakinggan ninyo ang pinakahuling programa natin

Tsinaistik

Lipunan

Tsina at ASEAN

Olimpiyada

Musika

Dear Seksiyong Filipino
(GMT+08:00) 2008-05-29 17:02:11    
Pagkukumpuni sa mga nasirang impraestruktura sa mga nilindol na lugar, maayos at mabilis na isinasagawa

CRI

Ayon sa Pambansang Komisyon ng Kaunlaran at Reporma ng Tsina, salamat sa mabilis at mabisang pagkukumpuni sa mga nasirang impraestruktura, naihahatid sa mga nilindol na lugar sa Sichuan ang mga materyal na panaklolo. Batay sa plano ng Pamahalaang Tsino, matatapos ang mga pangunahing gawain ng rekonstruksyon at reabilitasyon ng mga sinalantang pook sa loob ng humigit-kumulang 3 taon.

Sa isang preskon kahapon, sinabi ni G. Mu Hong, pangalawang direktor ng nasabing komisyong Tsino, na pagkaganap ng lindol, sa pamumuno ng kanyang komisyon, agarang naitatag ang working group na binubuo ng mahigit 20 panig para kumpunihin ang mga nasirang pasilidad at isagawa ang rekonstruksyon. Kaugnay ng mga natamong bunga ng nasabing grupo, ganito ang isinalaysay ni G. Mu.

"Pagkaganap ng kalamidad, agarang umaksyon kami. Halimbawa, ginagamit namin ang anumang magagamit na paraan para kumpunihin ang mga nasirang lansangan, pasilidad ng pagsusuplay ng kuryente, tubig, natural gas at iba pa. Buong-higpit na sinusubaybayan din namin ang mga dike at lawa. Noong ika-18 ng buwang ito, ika-6 araw pagkaraang maganap ang lindol, nanumbalik na sa kabuuan ang telekomunikasyon ng mga nilindol na lugar. Noong ika-21 ng buwang ito, liban sa Beichuan County, nanumbalik sa kabuuan ang suplay ng kuryente sa mga sinalantang lugar. Sa kasalukuyan, muling sinusuplayan ng tubig ang mga apektadong mamamayan."

Ayon sa salaysay, dahil sa napakalakas na lindol, 16 expressway, 9 na daambakal at 21 paliparan ang napinsalaan at hanggang sa kasalukuyan, muling nabuksan sa trapiko sa kabuuan ang nasabing mga transportasyon. Salamat dito, maalwang naihahatid sa mga sinalantang lugar ang mga tauhan at materyal na panaklolo.

"Upang maigarantiyang may sapat na pagkain ang mga nabiktima ng lindol, naihatid na ng Pamahalaang Sentral ang unang batch ng pambansang reserba ng pagkaing-butil sa limang lalawigan at munisipalidad na grabeng niyanig ng lindol na kinabibilangan ng Sichuan. Sa kasalukuyan, sapat ang isinusuplay na pagkain sa mga nilindol na lugar at matatag din ang presyo."

Tungkol naman sa mga isinasagawa at isasagawang pagkukumpuni sa mga impraestruktura sa mga nilindol na lugar, ganito ang tinuran ng opisyal Tsino.

"Sa kasalukuyan, nagpupunyagi kami para kumpunihin ang mga impraestruktura sa mga liblib na nilindol na rehiyon. Pero, dahil sa paulit-ulit na aftershocks at sa pagpasok ng tag-baha, lumalaki ang aming pressure sa pagpapanatili ng mainam na operasyon ng mga impraestruktura."

Napag-alamang 70 bilyong Yuan RMB o 10 bilyong dolyares ang nailaan na ng Pamahalaang Sentral ng Tsina para sa rekonstruksyon at reabilitasyon ng mga nilindol na lugar. Upang matulungan ang mga apektadong lugar na makaahon sa kalamidad sa lalong madaling panahon, nagpapatakbo ang Pamahalaang Tsino ng espesyal na programa at sa ilalim nito, ang isa o ilang takdang lalawigan ay dapat magkaloob ng tulong sa isang nilindol na lugar kaugnay ng rekonstruksyon at reabilitasyon. Nagbabalak ang Pamahalaang Tsino na gumugol ng tatlong buwan para matupad ang pangkalahatang plano hinggil sa rekonstruksyon ng mga nilindol na lugar at sa loob ng humigit-kumulang tatlong taon, matatapos ang mga pangunahing gawain ng rekonstruksyon.