• Hinggil sa CRI• Hinggil sa Serbisyo Filipino
More>>
China Radio International
Balita sa Tsina
Balita sa daigdig
Pulitika
Kabuhayan
Lipunan
Kultura
Isports
• Pakinggan ninyo ang pinakahuling programa natin

Tsinaistik

Lipunan

Tsina at ASEAN

Olimpiyada

Musika

Dear Seksiyong Filipino
(GMT+08:00) 2008-06-06 22:02:48    
Tsina Hindi Nag-iisa sa Pagluluksa; Mga Kaibigan Nagparamdam

CRI
Magandang gabi. Inaanyayahan ko ang lahat na samahan ako sa pag-aalay ng ilang saglit na tahimik na panalangin para sa mga kaluluwa ng mga nasawi sa malakas na paglindol sa Lalawigan ng Sichuan ng Tsina... Manalangin tayo...

Kayo ay nasa Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina. Ito si Ramon Jr. at welcome sa espesyal na edisyon ng Dear Seksiyong Filipino 2008.

Noong ika-12 ng Mayo, araw ng Lunes, ang Lalawigan ng Sichuan ng Tsina ay ginulantang ng malakas na pagyanig na ikinamatay at ikinasugat ng libu-libong tao at ikinasira ng maraming tahanan, lansangan, gusali, impraistruktura, pasilidad ng telekomunikasyon, transmisyon ng koryente at iba pa.

Pagkaganap na pagkaganap ng malagim na pangyayari, agad namang umaksiyon ang pambansang pamahalaan ng Tsina at pinakilos ang militar at kapulisan para saklolohan ang mga biktimang nadaganan ng mga gumuhong tahanan, paaralan at gusali at dali-dali ring nagtungo sa lugar na pinangyarihan ang mga ahensiyang panaklolo at mga tauhang medikal na may kinalaman sa pagkakaloob ng pang-unang lunas.

Ang lahat ng mga aksiyong ito ay pinapurihan naman ng United Nations at mga ahensiya nito at ng komunidad ng daigdig.

Hinggil sa aksiyong ito ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino, sinabi ng tagapakinig na si Jonah Domingo na:

"Noong nakaraang linggo, muling naganap sa China iyong trahedya na naganap sa bansa noong ilang dekada na ang nakalipas at natatandaan ko pang noong panahong iyon, hindi pa talagang bukas ang China sa labas kaya ang mga Chinese lamang sa loob ng bansa ang nagtulung-tulong para sa paghahanap at pagliligtas sa mga biktima ng tremor. Muli kong nasaksihan ang pagkakaisang ito ng mga Chinese sa lindol na naganap sa Sichuan at itong pagkakaisang ito plus iyong tulong ng mga Chinese at kaibigan sa iba't ibang bansa ang nagsisilbing lakas para malampasan ng bansa ang kasalukuyang krisis. Iyan ang ipinagdarasal ko at ng lahat ng mga kababayang Pilipino—ang mabilis na pagbangon ng bansa pagkaraan ng krisis."

Dahil sa matinding pait ng pangyayari, ipinatalastas ng Konseho ng Estado ng Tsina ang pagdedeklara sa ika-19, ika-20 at ika-21 ng buwan bilang "mga araw ng pambansang pagluluksa" na kinabilangan ng paglalagay sa pambansang bandila sa half-mast at pansamantalang paghihinto ng aliwan.

Noong ika-19 ng buwan, bandang 2:28 ng hapon, eksaktong pitong araw sapul nang maganap ang trahedya, sabay-sabay na nanahimik nang ilang sandali ang mga mamamayang Tsino bilang pakikidalamhati sa mga naulila ng mga biktima at bilang pagpapahayag ng kalungkutan sa naganap sa bansa.

Nang mga sandaling iyon, may ilang Pilipino na tahimik ring nananalangin at isa na rito ang tagapakinig sa si super DJ Happy. Sinabi niya:

"Dahil sa malakas na lindol na naganap sa Sichuan, gusto kong sabihin sa lahat ng mga kaibigan diyan na hindi lang kayo ang nalulungkot at nasisiphayo. Ganoon din ang nararamdaman ko ngayon dahil nangyari na ang ganyang kaganapan sa aming bansa. Sa tulong ng aming mga dasal at ng suportang materyal mula sa loob at labas ng bansa, malakas ang paniwala ko na muling babalik ang sigla ng Sichuan at ng buong bansa."

Minsan pa, sa gitna ng pangyayaring ito, naramdaman ng Tsina na siya ay hindi nag-iisa. Magkakasunod na nagpadala ng mensahe at alok ng tulong ang mga lider ng iba't ibang bansa, mga organisasyong pandaigdig, civil societies at maging ang mga pangkaraniwang mamamayan ng iba't ibang bansa at kabilang na rin sa mga mamamayang ito ang masugid na tagapakinig ng aming Cooking Show na si Baby Rose Jimenes. Sinabi niya:

"Bilang kaibigan ng China on and off the air, hindi ninyo maaalis sa akin ang malungkot dahil sa malakas na pagyanig na nangyari sa Sichuan Province, China. Marami nang pagsubok na dinaanan ang China at lahat ay nalampasan nito, kaya ganoon din ang inaasahan ko sa pagkakataong ito... Huwag kayong mag-alala, ipagdarasal ko kayo araw-araw."

Maraming salamat sa inyo, Jonah, Baby at Happy.

Hindi naman nagpapahuli ang ating textmates sa pagpapadala ng kanilang mga mensahe ng pakikidalamhati. Narito ang ilan sa kanilang mga SMS.

Mula sa 919 426 0570: "This is a very very sad thing, pero pansamantala lang. Walang kahirapan na hindi ma-o-overcome kung lahat ay magkakaisa. I am offering my prayers and sacrifices para sa mga biktima ng lindol."

Mula naman sa 917 401 3194: "Ikinalulungkot ko ang nangyari sa China. Sana maka-recover ito kaagad. Kahanga-hanga ang maagap na pagsaklolo ng mga may-kinalamang ahensiya ng gobyerno."

At mula naman sa 0086 135 2023 4755: "Ang crisis na ito ay mabigat na kaya dasal ko na huwag na sana itong mauwi sa panibgong crisis. My solemn prayer."

Ngayon, punta naman tayo sa mga e-mail.

Sabi ni Naila Feria ng San Juan, Metro Manila: "My condolences sa mga pamilya ng mga nasawi sa lindol sa China. I just hope and pray na maghihilom agad ang sugat na nalikha ng inyong malungkot na karanasan. Isipin lang lagi natin na "Behind every dark clound is a silver lining." Sana matapos na kaagad ang gawain ng paghahanap ng mga biktima para masimulan na ang gawain ng rekonstruksiyon at mapabilis ang inyong paglimot sa nagdaang pangyayari."

Sabi naman ni Romulo de Mesa ng Iridium, A. Francisco, Sta. Ana, Manila:

"Kuya, sa pamamagitan mo, gusto kong iparating sa mga mamamayan ng China ang aking mensahe ng pakikiramay sa mga kapamilyahan ng mga nasugatan at nasawi sa malakas na lindol sa isang probinsiya ng China. Sabihin natin na ito ay isa na namang pagsubok. Pag may ganitong pangyayari, lumilitaw ang katotohanan na ang China ay maraming kaibigan. Madali silang nagpaparamdam."

At sabi naman ni Myrna Calayco ng Kowloon, Hong Kong: "This is to convey my sincerest sympathy to Chinese friends. It's a pity na kung kelan malapit na ang Olympics atsaka pa may naganap na ganito kalagim na pangyayari. Malakas ang paniwala ko na malalaktawan ninyo agad ang crisis na ito at hindi ito magiging sagabal sa pagdaraos ng Olympics."

Maraming salamat din sa inyo, Naila, Myrna at Romulo at ganundin sa inyong lahat sa inyong walang-sawang pakikinig. Itong muli si Ramon Jr. na nagpapaalam at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.