Sinabi kahapon ni Gng. Xiong Yumei, Pangalawang Direktor ng Kawanihang Munisipal ng Beijing sa Turismo, na sa panahon ng kasalukuyang Beijing Olympic Games, maayos at mainit na tinatanggap ang mga panauhin mula sa loob at labas ng Tsina.
Ayon sa datos, mula ika-7 ng kasalukuyang buwan hanggang sa kasalukuyan, nananatiling mahigit 80% ang karaniwang occupancy rate ng mga five-star hotels sa Beijing at nananatiling humigit-kumulang 60% ang karaniwang occupancy rate ng mga four-star hotel. Ayon sa estadistika mula ika-8 ng buwang ito hanggang kamakalawa, nanatiling 32 libo ang bilang ng karaniwang arawang natanggap na turista ng 117 opisyal na Olympic hotel sa Beijing. Hanggang sa kasalukuyan, walang tinanggap na reklamo hinggil sa serbisyo ng nasabing mga hotel.
Pagdating naman sa pagtanggap sa mga turista ng mga matulaing purok ng Beijing, ganito ang salaysay ni Gng. Xiong.
"Mula ika-8 ng buwang ito hanggang kamakalawa, 164 na pangunahing scenic spot ng Beijing ay nakatanggap ng 4.8 milyong turista. Kabilang dito, 21 kilalang kilalang lugar na panturista na gaya ng Forbidden City, Summer Palace, Temple of Heaven at Great Wall ang nakatanggap ng humigit-kumulang 100 dignitaryong panauhin mula sa mahigit 20 bansa."
Ayon pa sa datos, hanggang sa kasalukuyan, ang Beijing Olympic Village ay nakatanggap ng mahigit 14.3 libong atleta at opisyal mula sa 204 na bansa't rehiyon. Upang mapaginhawa ang pagbisita sa Beijing ng mga panauhing nanunuluyan sa Olympic Village, 32 linya ng paglalakbay ang naitakda ng mga bantog na travel agency.
Sinabi rin ni Gng. Xiong na maraming isinasawang hakbangin ang Olympic Village para buong husay na paglingkuran ang mga nanunuluyang panauhin.
"Halimbawa, upang ipagdiwang ang kaarawan ng mga atleta, nagkakaloob kami sa kanila ng birthday card, birthday cake at sariwang bulaklak. Binigyan ito ng mataas na pagtasa ng mga panauhin. Mahigit 500 liham ng mga panauhin ang natanggap namin bilang papuri sa aming mahusay na serbisyo."
Upang salubungin ang mga atletang lalahok sa papalapit na Beijing Paralympics, nakumpuni ng punong-abala ang mga hotel, pasilidad ng transportasyon at pasilidad sa parke para mapaginhawa ang kanilang pamamalagi sa Beijing. Sa aspektong ito, ganito ang salaysay ni Gng. Xiong.
"Sa mga hotel-panuluyan ng mga manlalarong may kapansanan, nakumpuni na namin ang mga kuwarto, parking spot at CR. Nakumpuni rin namin ang mga kuwarto ng lahat ng 16 na opisyal na Paralympic hotel ng Beijing. Sa mga scenic spot naman, nakumpuni rin namin ang mga pasilidad."
Samakalawa, ipipinid ang Beijing Olympic Games. Sa kanilang pananatili sa Beijing, ang mga atleta mula sa apat na sulok ng daigdig ay hindi lamang umani ng medalya at kaligayahan ng paglahok sa Olimpiyada, naranasan din nila ang sinauna at makabagong Beijing. Kaugnay ng gaganaping Beijing Paralympics, binigyang-diin ni Gng. Xiong na mainit na sasalubungin ng Beijing ang mga manlalaro para tulungan silang tumupad ng kanilang pangarap ng Olimpiyada.
|