• Hinggil sa CRI• Hinggil sa Serbisyo Filipino
More>>
China Radio International
Balita sa Tsina
Balita sa daigdig
Pulitika
Kabuhayan
Lipunan
Kultura
Isports
• Pakinggan ninyo ang pinakahuling programa natin

Tsinaistik

Lipunan

Tsina at ASEAN

Olimpiyada

Musika

Dear Seksiyong Filipino
(GMT+08:00) 2008-09-15 17:13:54    
Setyembre ika-8 hanggang ika-14

CRI

Sinabi noong Lunes sa Hanoi ni Nong Duc Manh, pangkalahatang kalihim ng Partido Komunista ng Biyetnam, na umaasang patuloy na palalakasin ng Lalawigang Guangdong ng Tsina ang pakikipagkooperasyon sa Biyetnam sa larangan ng kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan, enerhiya at iba pa para buong lakas na pasulungin ang tradisyonal na relasyong pangkaibigan at pangkooerasyon ng dalawang bansa. Winika ito ni Nong sa kanyang pakikipagtagpo kay Wang Yang, kagawad ng Politburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina at kalihim ng lupong panlalawigan ng partido sa Guangdong. Sinabi rin niyang mainam ang pag-unlad ng relasyon ng Biyetnam at Tsina. Anya pa, sa panahon ng pagdalaw niya sa Tsina noong Mayo ng taong ito, buong pagkakaisang sinang-ayunan ng mga lider ng dalawang bansa na paunlarin ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang panig at ito ay bagong progreso ng relasyon ng dalawang bansa at partido. Pinasalamatan naman ni Wang si Nong na pinahahalagahan ang pagpapaunlad ng relasyon ng Tsina at Biyetnam at aktibong pinapasulong ang pagpapalagayan at pagtutulungan ng Guangdong at Biyetnam.

Nagpalabas noong Miyerkules ng editoriyal ang pahayagang Lianhezaobao ng Singapore na nagsasabing binuksan noong ika-6 ng buwang ito sa Bird's Nest ang Beijing Paralympic Games. Kapwa kahanga-hangang palabas at espesyal na pagsasa-alang-alang ng punong abala sa mga manlalarong may-kapansanan ng iba't ibang bansa't rehiyon na ipinakikita sa lahat ng mga detalye ay nag-iwan ng napakalalim na impresyon sa mga tao. Anang editoriyal, kung ihahambing sa Beijing Olympic Games nauna rito, binigyan naman ng punong-abala ng parehong pagpapahalaga ang Paralympics.

Napag-alaman noong isang linggo ng mamamahayag mula sa Adwana ng Nanning ng Rehiyong Awtonomo ng Guangxi ng Tsina na mula noong Enero hanggang Agosto ng taong ito, umabot sa mahigit 2.8 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng kalakalan ng Guangxi at ASEAN na lumaki ng 72% kumpara sa gayon ding panahon ng tinalikdang taon. Ang ASEAN ay nananatiling pinakamalaking trade partner at pamilihan ng pagluluwas ng Gaungxi. Hanggang sa kasalukuyan, ang ASEAN ay nagiging pinakamalaking trade partner ng Guangxi nitong nakalipas na 8 taong singkad.

Ipinahayag noong Biyernes sa Yinchuan, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Ningxia ng Tsina, ni Korn Dabbaransi, tagapangulo ng Samahang Thai sa Pagkakaibigan ng Thailand at Tsina, na masagana at katangi-tangi ang yamang panturismo sa Ningxia at umaasa ang Thailand na makikipagkooperasyon sa Ningxia para magkasamang maggalugad ng naturang mga yaman. Ayon sa planong pangkooperasyon na iniharap ni Korn, magkakaloob ang Thailand ng lahat ng pondong kinakailangan at mga tauhang tagapamahala sa turismo at paghahatian ng Tsina at Thailand ang matatamong pakinabang batay sa takdang proporsiyon. Ipinahayag din ni Korn na kung may posibilidad sa kooperasyon, muling pupunta siya, kasama ng mga kompanyang panturismo ng Thailand, sa Ningxia para talakayin kung paaanong gagalugarin ang lokal na yamang panturismo.

Sa ilalim ng pagtataguyod ng konsulada heneral ng Thailand sa Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Guangxi sa timog kanlurang Tsino, binuksan noong Biyernes sa lunsod na ito ang 3 araw na Thai customs and tourism festival. Sa pamamagitan ng mga palabas na pansining at eksibisyon, komprehensibong iprinomote sa pestibal na ito ang turismo, pagkain at handicraft ng Thailand.