• Hinggil sa CRI• Hinggil sa Serbisyo Filipino
More>>
China Radio International
Balita sa Tsina
Balita sa daigdig
Pulitika
Kabuhayan
Lipunan
Kultura
Isports
• Pakinggan ninyo ang pinakahuling programa natin

Tsinaistik

Lipunan

Tsina at ASEAN

Olimpiyada

Musika

Dear Seksiyong Filipino
(GMT+08:00) 2008-10-29 16:44:44    
Tsina, nagpalaya na ng karapatan sa paggamit ng lupain ng mga magsasaka

CRI

Isinapubliko kahapon ng Tsina ang isang dokumentong naglalayong pasulungin ang reporma at kaunlarang pangkanayunan. Nililinaw ng dokumento ang karapatan ng mga magsasakang Tsino na magpaupa sila ng kanilang kontratadong lupain o maglipat ng kanilang karapatan sa paggamit ng lupain.

Ang nasabing dokumento na pinagtibay sa kapipinid na ika-3 sesyong plenaryo ng ika-17 Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina o CPC, naghaharing partido ng bansa, ay bahagi ng desisyon ng Pamahalaang Tsino na padoblehin ang karaniwang taunang netong kita bawat magsasakang Tsino sa taong 2020 kumpara sa kasalukuyang taon.

Noong 1970s, inumpisahan ng Tsina sa kanayunan ang household contract responsibility system at batay rito, ang mga lupain sa kanayunan ay ari-ariang pampubliko at ang mga magsasaka naman ay napapahintulutang mangasiwa at magsaoperasyon ng mga lupain sa pamamagitan ng paglagda sa pangmatagalang kontrata.

Batay sa bagong labas na dokumento, sa kauna-unahang pagkakataon sapul nang pairalin ang household contract responsibility system, ang mga magsasakang Tsino ang nabibigyang karapatan sa pagpapaupa ng kanilang kontratadong lupain at paglilipat ng kanilang karapatan sa paggamit ng lupain. Kaugnay nito, ipinalalagay ni G. Zhao Yutian, dalubhasa mula sa Ministri ng Agrikultura ng Tsina, na ito ay isang malaking breakthrough sa dating sistema ng pangangasiwa sa lupain at pangmatagalang mapapasulong nito ang kaunlarang pangkanayunan ng bansa. Sinabi pa niya na:

"Una, ang bagong dokumento ay nagsisilbing suportang pampatakaran sa pagsasaayos ng pagpapaupa ng mga lupain at paglilipat ng karapatan sa paggamit ng lupain. Ikalawa, magpapasulong ang bagong patakarang ito ng kaunlarang pangkanayunan, aplikasyon ng sulong na teknolohiyang agrikultural, pagpapapasok ng puhunang panlabas at panloob at sirkulasyon ng mga produktong pang-agrikultura. Makikinabang dito ang mga magsasaka, industriya ng agrikultura at pag-unlad ng kanayunan ng Tsina."

Isinasaad ng dokumento na napapahintulutan ang mga magsasakang Tsino na i-subcontract, paupahan at ipagpalit ang kanilang karapatan sa paggamit ng lupain at napapahintulutan din silang sumapi sa shareholding entities sa pamamagitan ng kanilang lupain. Binigyang-diin din ng dokumento na ang pagpapaupa at paglilipat ng karapatan sa paggamit ng lupain ng mga magsasaka ay nababatay sa prinsipyong pag-alinsunod sa batas, kusang-gawa at may kompensasyon.

Ipinalalagay ng dalubhasang Tsino na ang nasabing pagbabago ng sistema sa pangangasiwa sa lupain ay inaasahang makapagpapasulong ng produksyong pang-agrikultura at makapagpapataas ng kita ng mga magsasakang Tsino. Ganito ang tinuran ni G. Zhao.

"Salamat sa patakarang ito, magiging katuparan ang large-scale at intensive production at magdudulot din ito ng positibong impluwensiya sa pagpapalaki ng produksyong agrikultural at pagpapataas ng kita ng mga magsasakang Tsino. Salamat sa patakarang ito, ang pondo at bagong teknolohiya ay hihikayatin ding pumasok sa produksyong pang-agrikultura at sa gayon, mabubuo ang bagong pamilihang pang-agrikultura at maitataas ang kita ng mga magsasakang Tsino."

Batay sa bagong dokumento, ang mga magsasakang Tsino ay mabibigyan din ng pondo para pasimulan ang kanilang sariling negosyo at mararagdagan din ang laang-gugulin ng Pamahalaang Tsino sa impraestrukturang pang-agrikultura.