Ipininid kahapon sa Beijing ang apat na araw na ika-3 sesyong plenaryo ng ika-17 Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina o CPC. Ang isyu ng reporma ng kanayunan ng Tsina ay nagsilbing pokus ng katatapos na pulong. Itinakda ng pulong ang pangunahing pakay at tungkulin ng bansa pagdating sa pagrereporma sa kanayunan mula sa kasalukuyan hanggang taong 2020 na gaya ng pagsama-sama ng pag-unlad ng kanayunan at mga lunsod, paggarantiya ng suplay ng pagkain at mga pangunahing produktong agrikultural at pagdodoble ng netong kita ng mga magsasaka.
30 taon na ang nakaraan, ang reporma't pagbubukas ng Tsina ay inumpisahan sa kanayunan. Pero, nangungulelat ang pag-unlad ng kanayunan kumpara sa mga lunsod. Upang mapabilis ang pag-unlad ng kanayunan, nagplano ang kapipinid na pulong hinggil sa pagpapalago ng kanayunan sa tatlong aspekto na kinabibilangan ng pagpapabuti ng sistemang pangkanayunan ng kanayunan, pagpapasulong ng makabagong agrikultura at pagpapahusay ng serbisyong pampubliko sa kanayunan.
Pagdating sa sistemang pangkanayunan, hiniling ng pulong na dapat pabutihin ang saligang sistemang pangkabuhayan ng kanayunan, sistema ng pangangasiwa sa lupain, sistema ng pagkatig at pangangalaga sa agrikultura at sistemang demokratiko ng kanayunan at dapat ding itatag ang makabagong sistemang pinansyal ng kanayunan. Kasabay nito, batay sa pakataran ng koordinadong pag-unlad ng kanayunan at kalunsuran, kailangan ding itatag ang sistemang magpapasulong ng interasyon ng mga nayon at lunsod.
Ayon kay G. Xu Xiaoqing, dalubhasa mula sa Development Research Center ng Konseho ng Estado, ang kabuhayang urban ng Tsina ay nagtatampok sa produksyong industriyal at ang kabuhayang rural naman ay sa extensive agriculture. Ito aniya ay nagsisilbing sagabal sa pambansang kaunlaran at ang pagsasakatuparan ng integrasyon ng mga lunsod at nayon ay makabuluhan sa kabuhayan at lipunan ng Tsina.
"Hindi pa kompleto ang Tsina sa industriyalisasyon, urbanisasyon at modernisasyon. Ang agrikultura ay pangunahing haligi ng bansa at higit na nakararaming populasyon ng bansa ay matatagpuan sa kanayunan at bukod dito, maliwanag ang pagkakaiba ng lebel ng pag-unlad ng mga nayon at lunsod. Sa ilalim ng ganitong situwasyon, napapahanon ang katatapos na pulong ng CPC sa pagpapabilis ng reporma't pag-unlad ng kanayunan."
Upang mapaliit ang agwat sa pagitan ng kanayunan at kalunsuran, ipinasiya ng pulong na dagdagan ang laang-gugulin ng pamahalaang sentral sa serbisyong medikal, edukasyon at kultura ng kanayunan. Bukod dito, pabibilisin din ang pagpapasulong ng makabagong agrikultura sa pamamagitan ng pagbabago ng pamamaraan ng produksyong pang-agrikultura at pagpapalago ng inobasyong pang-agrikultura.
Batay sa katatapos na pulong, sa 2020, dapat maging doble ang karaniwang netong kita bawat magsasaka kumpara sa taong 2008. kaugnay nito, ganito ang tinuran ni Gng. Li Jing, dalubhasa mula sa Chinese Academy of Social Sciences.
"Kung magiging kapareho ang presyo ng lupa sa kanayunan ng sa mga lunsod, tataas nang malaki ang halaga ng ari-arian ng mga magsasaka; kung magiging kapantay ang katayuan ng mga magsasakang trabahador sa mga manggagawa taga-lunsod, malaki ang posibilidad ng pagtaas ng sahod ng mga magsasaka na nagtatrabaho sa mga lunsod; kung itataas ang presyo ng mga produktong agrikultural, tataas pa ang kita ng mga magsasaka. Kung maisasakatuparan ang lahat ng mga ito, posibleng dumoble ang kita ng mga magsasaka sa taong 2020. "
Ipinalalagay rin ng mga dalubhasang Tsino na sa ilalim ng kasalukuyang situwasyon na matumal ang pandaigdigang kabuhayan, kung bibilis ang pag-unlad ng kanayunan ng Tsina, makakatulong ito sa pagbabago ng pamamaraan ng pambansang kaunlaran mula sa kasalukuyang pag-asa sa pagluluwas sa pag-asa sa konsumo.
|