Bilang paggunita ng ika-60 anibersaryo ng pagsasapubliko ng Pandaigdigang Deklarasyon sa Karapatang Pantao at ika-30 anibersaryo ng pagsasagawa ng Tsina ng reporma't pagbubukas sa labas, nagtaguyod ngayong araw sa Beijing ng akademikong symposium ang China Society for Human Rights Studies o CSHRS. Mahigit 60 dalubhasang Tsino ang kalahok dito.
Kaugnay ng pag-unlad ng usapin ng karapatang pantao ng Tsina nitong 30 taong nakalipas sapul nang isagawa ang pambansang reporma't pagbubukas sa labas, ganito ang tinuran ni G. Wang Chen, Direktor ng Tanggapan ng Impormasyon ng Konseho ng Estado ng Tsina.
"Nitong 30 taong nakalipas, sa pananangan sa pagpapasulong ng pag-unlad ng pambansang kabuhayan at lipunan, isinasanib ng Pamahalaang Tsino ang unibersalidad ng karapatang pantao sa aktuwal na kalagayan ng Tsina para mapasulong ang isyu ng karapatang pantao."
Aniya, nitong 30 taong nakalipas, salamat sa mabilis na pag-unlad ng pambansang kabuhayan na ang karaniwang taunang paglaki ay umaabot sa 10%, nagdudulot ito ng higit pang maraming benepisyo sa sambayanang Tsino sa larangan ng hanap-buhay, edukasyon, serbisyong medikal, at social security. Malaking naiigarantiya nito ang karapatan sa eksistensiya at karapatan sa pag-unlad ng mga mamamayang Tsino.
Sinabi naman ni G. Luo Haocai, Direktor ng China Society for Human Rights Studies, na ang reporma't pagbubukas sa labas ay malakihang nagpapasulong ng pambansang kabuhayan at nagpapatibay ito ng pundasyong materyal para sa pagpapasulong ng isyu ng karapatang pantao at bunga nito, napapasulong ang karapatan ng mga mamamayang Tsino sa pakikilahok sa mga suliraning pulitikal. Sinabi pa niya na:
"Ang isa sa mga pangunahing direksyon ng reporma't pagbubukas sa labas ng Tsina ay nagpapasulong ng kalayaan ng mga mamamayan sa iba't ibang larangan at nangangalaga sa interes at dignidad ng pinakamalawak na madlang Tsino."
Napag-alamang nitong 30 taong nakalipas, walang-humpay na isinusulong ang mekanismo ng People's Congress at kababa-babaang demokrasya at salamat dito, napapaalwan at naisasayos ang pakikilahok ng sambayanang Tsino sa mga pambansang suliraning pulitikal. Kasabay nito, sa lehislasyon man o sa pagpapatupad ng batas at sa larangang hudisyal naman, buong-sikap na pinaiiral ng Tsina ang pangangalaga sa karapatang pantao.
Aktibo rin ang Tsina sa pagpapalitan at pagtutulungang pandaigdig sa kaparatang pantao. Napag-alamang sumapi na ang Tsina sa 25 kinauukulang pandaigdig na kombensyon na gaya ng International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights. Sa aspektong ito, ganito ang inilahad ni G. Chen Shiqiu, dalubhasa mula sa Lupong Tagapayo ng Konseho ng UN sa Karapatang Pantao.
"Merong regular na diyalogo sa karapatang pantao ang Tsina at Unyong Europeo at mga bansang Europeo. Meron ding katulad na diyalogo ang Tsina sa Estados Unidos, Awstraliya at mga umuunlad na bansa. Sa kasalukuyan, nagsisilbing agos ng daigdig ang diyalogo, pagpapalitan at pagtutulungan sa karapatang pantao."
|