• Hinggil sa CRI• Hinggil sa Serbisyo Filipino
More>>
China Radio International
Balita sa Tsina
Balita sa daigdig
Pulitika
Kabuhayan
Lipunan
Kultura
Isports
• Pakinggan ninyo ang pinakahuling programa natin

Tsinaistik

Lipunan

Tsina at ASEAN

Olimpiyada

Musika

Dear Seksiyong Filipino
(GMT+08:00) 2009-03-03 18:29:22    
Taunang sesyon ng CPPCC, nagpapatingkad ng demokrasya

CRI

Binuksan ngayong hapon sa Beijing ang taunang sesyong plenaryo ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino o CPPCC, kataas-taasang organong tagapayo ng Tsina.

Sa ngalan ng Pirmihang Lupon ng CPPCC, naglahad si Jia Qinglin, tagapangulo ng kapulungan ng annual report at narinig ito ng mahigit 2200 kagawad ng CPPCC.

Bilang mahalagang organo ng pagtutulungang multi-partido at konsultasyong pulitikal sa pamumuno ng Partido Komunista ng Tsina o CPC, naghaharing partido ng bansa, makabuluhan ang CPPCC sa pagpapatingkad ng demokrasiya ng Tsina at sa pakikilahok at pakikipagtalakayan sa mga pambansang suliranin ng iba't ibang di-CPC partido at mga personaheng walang kinasasapiang partido. Ipinakikita ng animnapung taong pag-unlad ng CPPCC na angkop sa kalagayan ng Tsina ang saligang sistemang pulitikal na ito.

Inilarawan ni Tagapangulo Jia ang nakaraang taong 2008 na di-pangkaraniwan dahil sa taong iyon, naranasan ng sambayanang Tsino ang pagtugon sa pambihirang malubhang pag-ulan ng niyebe, pagtataguyod ng makasaysayang Beijing Olympic at Paralympic Games, paglunsad ng Shenzhou VII Manned Space Flight, paggunita sa ika-30 anibersaryo ng pambansang reporma at pagbubukas sa labas at pagharap sa pandaigdigang krisis na pinansyal at iba pa. Hindi maaring natamo ang nasabing mga bunga kung walang ibinibigay na pagsisikap ng mga kagawad ng CPPCC. Kaugnay nito, ganito ang tinuran ni Tagapangulo Jia.

"Noong nagdaang taon, maraming isinumiteng mungkahi ang mga kagawad ng CPPCC at ginawang mahalagang reperensiya ang mga ito ng Pamahalaang Tsino sa pagtatakda ng mga patakaran. Kasabay nito, tulad ng dati, itinulak namin ang paglutas ng mga problemang may mahigpit na kaugnayan sa pamumuhay ng mga karaniwang mamamayang Tsino."

Noong isang taon, 55 proyekto ng inspeksyon ang naisagawa ng mga kagawad ng CPPCC at mahigit 4700 proposal ang naisumite nila. Halimbawa, tungkol sa isyu ng kanayunan, pagkaraan ng anim na buwang inspeksyon sa iba't ibang lugar ng Tsina, isinumite nila ang Mungkahi hinggil sa mga Patakarang May Kinalaman sa Repormang Pinansyal at Kaunlaran ng Kanayunan. Sa aspektong ito, ganito ang isinalaysay ni Zhang Zuoji, isa sa mga kalahok sa kagawad.

"Iminungkahi ng mga kagawad na upang mapalago ang kabuhayan sa kanayunan ng Tsina, dapat pasulungin ang makabago, propesyonal at kooperatibong organisasyong pang-agrikultura at pag-isahin ang pag-unlad ng agrikultura, industriya at komersyo."

Bilang tugon sa mga problema sa pagpapatupad ng Labor Contract Law, iminungkahi ng mga kagawad na pag-ibayuhin ang mediasyon sa labor dispute.

Pinahahalagahan din ng CPPCC ang palagay at hangarin ng mga pambansang nasyonalidad at ng saray na panreliyon.

Bilang tugon naman sa pandaigdigang krisis na pinansyal, ilang talakayan hinggil sa real estate, superbisyong pinansyal at macro-economy ang naidaos ng mga kagawad ng CPPCC at iniharap din nila ang mga pragmatikong mungkahi.

Ipinalalagay ni Tagapangulo Jia na sa pagtupad ng misyon ng CPPCC, ang interes ng mga mamamayang Tsino ang pinakapriyoridad ng mga kagawad. Idinugtong niya na:

"Sa pagtupad ng aming tungkulin, palagiang ipinauuna namin ang pagpapahalaga sa interes ng mga mamamayang Tsino at paglutas sa kanilang kahirapan at sa pagsunod ng prinsipyong ito, nagharap kami ng mga proposal at nagpasulong kami ng paglutas ng mga problema alang-alang sa sambayanang Tsino. Ang CPPCC ay para sa mga mamamayan."

Kaugnay naman ng mga pangunahing tungkulin para sa kasalukuyang taon, ganito ang inilahad ni Tagapangulo Jia.

"Buong higpit na susubaybayan pa ng CPPCC ang pandaigdigang krisis na pinansyal at ang idudulot na resulta ng mga isinasagawang pambansang patakarang pangkabuhayan at maghaharap kami ng mungkahi kung kakailanganin. Tulad ng dati, ibubuhos pa namin ang pansin sa mga isyung may mahigpit na kaugnayan sa pamumuhay ng mga karaniwang mamamayang Tsino na gaya ng hanap-buhay, social security, serbisyong medikal, edukasyon at kaligtasan ng mga pagkain."