Binuksan ngayong umaga sa Beijing ang taunang sesyong plenaryo ng Pambansang Kongresong Bayan o NPC ng Tsina, kataas-taasang organo ng kapangyarihan ng bansa.
Bumigkas ng ulat hinggil sa mga gawain ng Pamahalaang Tsino si Premyer Wen Jiabao.
Nakakasaad sa ulat ang mga datos at katotohanan para maipakita ang kompiyansa at kakayahan ng Pamahalaang Tsino sa pagtugon sa lumalawak na pandaigdigang krisis na pinansyal at sa patuloy na pagpapanatili ng matatag at may kabilisang pag-unlad ng pambansang kabuhayan. Tingnan natin kung ano ang sinabi rito ni Premyer Wen.
"Hindi nagbabago ang pangmatagalang tunguhing pabuti ng pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Tsina. Lipos kami ng kompiyansa, kondisyon at kakayahan sa pagtagumpay laban sa hamon at kahirapan."
Ang kompiyansa ng Pamahalaang Tsino ay nagmumula sa mga natamong bunga ng Tsina noong taong 2008. Sa kabila ng mga negatibong elemento na gaya ng matumal na kabuhayang pandaigdig at naganap na super-lindol sa Sichuan, umabot sa 30 trilyong Yuan RMB o 4.3 trilyong dolyares ang GDP ng Tsina noong taong 2008 na mas mataas ng 9% kumpara sa tinalikdang taon.
Ang kompiyansa ng Pamahalaang Tsino ay nanggagaling din sa natamo nitong karanasan sa pagtugon sa kasalukuyang krisis na pinansyal. Ayon sa ulat, bilang tugon sa mga idinulot na epekto ng krisis na pinansyal, sa huling dako ng nagdaang taong 2008, sinimulang pairalin ng Pamahalang Tsino ang patakaran ng pagpapasigla ng pangangailangang panloob at pagpapanatili ng paglaki ng kabuhayan kapalit ng patakaran ng pagpigil ng labis na pag-init ng kabuhayan at pagkontrol sa implasyon. At sa pagtupad ng nasabing patakaran, isinasagawa ng Pamahalaang Tsino ang proaktibong patakarang piskal at katamtamang patakaran sa salapi, pinaiiral ang 4 na trilyong Yuan RMB o mahigit 570 bilyong dolyares na laang-guguling puhunan ng pamahalaan, pinabibilis ang pagsasaayos ng mga pangunahing industriya na gaya ng auto industry at asero. Kaugnay ng epekto ng nasabing mga hakbangin, ganito ang tinuran ni Premyer Wen sa kanyang ulat.
"Gumaganap ang mga isinasagawang patakaran at hakbangin ng Pamahalaang Tsino ng makabuluhang papel sa paglutas sa mga problema sa operasyon ng pambansang kabuhayan, pagpapalakas ng kompiyansa, pagsasakatuparan ng pananabik at pagpapanatili ng matatag at may kabilisang pag-unlad ng pambansang kabuhayan."
Ang kompiyansa ng Pamahalaang Tsino ay nakikita rin sa mga pakay sa pag-unlad ng kabuhayan para sa kasalukuyang taon. Ayon sa Pamahalang Tsino, tinatayang aabot sa 8% ang bahagdan ng paglaki ng GDP ng bansa sa kasalukuyang taon. Kaugnay nito, ganito ang ipinaliwanag ni Premyer Wen.
"Sa komprehensibong pagsasaalang-alang sa pangangailangan at posibilidad sa pag-unlad, itinakda ng Pamahalaang Tsino ang paglaki ng GDP na 8%, at kung papairalin namin ang mabisang patakaran at hakbangin, may posibilidad na isakatuparan ang nasabing pakay."
Upang isakatuparan ang pakay, sa taong ito, isasagawa ng Pamahalaang Tsino ang mga konkretong hakbangin na gaya ng pagpapalaki ng puhunan ng pamahalaan, pagpapasigla ng pangangailangang panloob sa pamamagitan ng structural tax reduction, malawakang pagpapairal ng mga plano para sa pagpapasigla ng iba't ibang industriya, pagpapasulong ng nagsasariling inobasyon, pagpapabuti ng social security system at pagpapasulong ng hanap-buhay.
Sa kasalukuyang taon, tinatayang lalampas sa 900 bilyong Yuan RMB o 130 bilyong dolyares ang kabuuang puhunan ng pamahalaang Tsino at kasabay nito, mababawasan ang humigit-kumulang 500 bilyong Yuan RMB o 72 bilyong dolyares na pasanin ng mga bahay-kalakal at indibiduwal sa pamamagitan ng pagbabawas ng buwis.
Itinakda rin ng Pamahalaang Tsino ang deficit ng bansa. Tungkol dito, ganito ang inilahad ni Premyer Wen.
"Sa taong ito, aabot sa 950 bilyong Yuan RMB o 136 bilyong dolyares ang kabuuang deficit ng Tsina na hindi pa tataas sa 3% ng GDP. Makatiwiran at ligtas ito kung titingnan ang pambansang puwersa ng Tsina."
Tulad ng dati, ang pagpapauna ng interes ng mga mamamayang Tsino ay nagsisilbi pa ring pangunahing prinsipyo ng mga gawain ng Pamahalaang Tsino sa kasalukuyang taon. Binigyang-diin ni Premyer Wen na:
"Mas mahirap ang kalagayan, dapat higit pa naming pahalagahaan ang pamumuhay ng mga mamamayan at ibayo pang pasulungin ang harmonya at katatagan ng lipunan. Kailanma'y dapat magsilbing starting at end point ng gawaing pangkabuhayan ang pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayang Tsino."
Sa 8 araw na sesyon, nakatakdang suriin at pagbotohan ang ulat ng Pamahalaang Tsino ng halos 3000 kinatawan ng NPC para matiyak ang mga pangunahing patakaran ng Tsina sa kasalukuyang taon.
|