|
Sa kanyang working report sa taunang sesyon ng Pambansang Kongresong Bayan o NPC ng Tsina na idinaraos sa Beijing, ipinahayag ngayong araw ni tagapangulo Wu Bangguo ng pirmihang lupon ng NPC na ang pagtatatag at pagpapabuti ng mekanismo ng regular na pakikipagpalitan sa mga parliamento ng ibang bansa ay isa sa mga mahalagang bunga na natamo ng ika-10 NPC sa gawain ng pagpapalagayang panlabas nito.

Isinalaysay ni Wu na sa kasalukuyan, itinatag na ng NPC ang mekanismo ng regular na pakikipagpalitan sa mga parliamento ng 14 na bansa ng daigdig. Bukod dito, pinananatili ng NPC ang pakikipag-ugnayan sa parliamento ng 178 bansa at ito rin ay kasapi ng 12 parliamentaryong organisasyong panrehiyon at pandaigdig.

Ipinahayag din niyang sa hinaharap, ibayo pang palalakasin ng NPC ang pakikipagpalagayan sa mga parliamento ng ibang bansa at parliamentaryong organisasyong panrehiyon at pandaigdig at ibayo pang palalalimin ang pragmatikong pakikipagkooperasyon sa kanila sa iba't ibang larangan.
Salin: Liu Kai
|