Sa magkahiwalay na okasyon, nakipagtagpo kahapon sa Beijing si tagapangulo Wu Bangguo ng pirmihang lupon ng Pambansang Kongresong Bayan o NPC ng Tsina kina Prasopsuk Boondej, ispiker ng mataas na kapulungan ng Thailand at Abdul Hamid Bin Pawanteh, pangulo ng mataas na kapulungan ng Malaysia.
Sa pagtatagpo nila ni Prasopsuk, ipinahayag ni Wu ang kahandaan ng panig Tsino na walang humpay na palawakin at palalimin ang estratehikong kooperasyon nila ng Thailand batay sa kanilang nilagdaang plano ng magkasanib na aksyon sa estratehikong kooperasyon para maisakatuparan ang mutuwal na kapakinabangan, win-win at komong kaunlaran. Sinabi naman ni Prasopsuk na umaasa ang pambansang asembleya ng Thailand na patuloy na palakasin ang pakikipagpaplitan at pakikipagtulungan sa NPC para makapagbigay ng mas malaking ambag sa relasyong Sino-Thai.
Sa pagtatagpo nila ni Hamid, sinabi ni Wu na nakahanda ang panig Tsino, kasama ng panig Malay, na walang humpay na pasulungin ang kanilang estratehikong kooperasyon at palakasin ang pagtutulungan ng NPC at parliamento ng Malaysia. Ipinahayag naman ni Hamid ang kanyang pananalig na matatamo ng Tsina ang mas malaking tagumpay sa pagpapaunlad ng kabuhayan at lipunan at magtatagumpay ang Beijing Olympic Games.
Salin: Liu Kai
|