Ipinahayag kahapon ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, na may kakayahan ang Tsina at ASEAN na patuloy na pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea (SCS).
Winika ito ni Wang pagkaraan ng Espesyal na Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Tsina at ASEAN na idinaos sa Beijing kahapon. Aniya, pangunahing tinalakay sa naturang pulong ang hinggil sa pagpapalakas ng kooperasyon at pagpapahigpit ng pagtitiwalaan ng Tsina at ASEAN, kasama na ang isyu ng SCS. Ani Wang, kumpara sa iba pang rehiyon, pinaghirapang matamo ng mga may-kinalamang panig ang kasalukuyang kapayapaan at katatagan ng SCS. Dapat itong pag-ingatan ng iba't ibang panig, dagdag pa niya.
Sinabi ni Wang, na ang malayang paglalayag sa SCS ay hindi problema, kapwa noong dati at sa hinaharap. Aniya pa, ang hidwaang umiinog sa soberanya ng Nansha Islands ay hindi problema sa pagitan ng Tsina at ASEAN, at hindi rin ito makakaapekto sa relasyon ng Tsina at ASEAN. Sinabi pa niyang hindi kinakatigan ng Tsina ang pagmomonopolisa ng iisang bansa ang lahat ng paninindigan ng ASEAN. Hindi dapat mapinsala ang komong interes ng Tsina at ASEAN dahil sa sariling kapakana ng iisang bansa lamang, dagdag niya.
Salin: Andrea