Bilang tugon sa pahayag kamakailan ng Kagawaran ng Estado ng Amerika na umano’y “lumabag ang Tsina sa pangako nitong hindi magsasagawa ng ‘militarisasyon’ sa Nansha Islands,” sinabi nitong Lunes, Setyembre 28, 2020 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pagdedeploy ng Tsina ng mga kinakailangang instalasyong pandepensa sa Nansha Islands ay sakop ng soberanya ng Tsina, at wala itong anumang kaugnayan sa “militarisasyon.”
Sinabi ni Wang na sa katotohanan, layon ng paulit-ulit na pagbanggit ng Amerika sa salitang “militarisasyon” na lumikha ng katuwiran upang palakasin nito ang sariling puwersang militar at aktibidad sa South China Sea, at pangangalagaan ang hegemonyang pandagat nito. Aniya, ang Amerika ang siyang tunay na instigador ng militarisasyon sa SCS.
Sinabi rin niya na nitong ilang panahong nakalipas, puspusang ginagamit ng Amerika ang isyu ng SCS para sirain ang relasyon ng mga bansa sa rehiyong ito.
Lalong lalo na, ani Wang, sinusulsulan ng ilang Amerikano ang paglulunsad ng atakeng militar laban sa Tsina sa SCS.
Ayon sa ebidensiya at katotohanan, ang Amerika ang siyang pinakamalaking panganib sa kapayapaan at katatagan sa SCS, at dapat panatilihin ng komunidad ng daigdig at mga bansa sa rehiyong ito ang mataas na pagmamatyag tungkol dito.
Salin: Lito